Bumbero timbog sa shabu

PINAMALAYAN, Oriental Mindoro – Sa halip na hose ng tubig ang hawak, malalamig na rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng isang fireman matapos mahulihan ng shabu sa isang buy-bust operation kahapon.

Sa inisyal na report ni P/Supt. Jonathan Paguio, hepe ng Pinamalayan PNP kay Oriental Mindoro PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Anthony Alcaneces, nakilala ang suspek na si Fire Officer 1 Gilbert Caringal, 33, ng Barangay Guinhawa at aktibong miyembro ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Ayon kay P/Supt. Paguio, ikinasa ng kanyang mga tauhan ang buy-bust operation laban kay Caringal bandang alas-2:30 kahapon sa kanto ng Bonifacio at Madrid Sts. sa bayang ito.

Nang iabot na ang marked money ng isang police asset kay FO1 Caringal, inaresto siya ng intel operatives na kinabibilangan nina SPO4 Ruelito Magtibay, SPO2 Gil Gubot, at SPO1 Tad Ferrancullo at iba pang miyembro ng Pinamalayan PNP.

Habang iniimbestigahan sa loob ng police station, inamin ng suspek na isa siyang drug user ngunit itinanggi na nagtutulak siya ng shabu.

Ayon kay P/Supt. Paguio, matagal na nilang sinusubaybayan si Caringal.

Kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Act of 2002 ang suspek na nakapiit ngayon sa Pinamalayan PNP station.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply