Cebu Pacific ang may sala kina Tulfo at Santiago

SIGURO naman, pagkatapos ng mahigit isang linggo, medyo kumalma na ang lahat ng panig sa bakbakan sa NAIA 3. Siguro naman ‘yung mga miron sa isyu eh nakahirit na ng husto at gusto nila.

Sa maiksing salita, lahat ng panig sa naganap na gulo ay may kasalanan. Huwag na tayong magpakahambog pa at sabihing masama  kasi ang ugali ni ganon at ganito. Ang taong marangal, pinalaki ng tama at may pinag-aralan hindi susuong sa gulong naganap noong Linggo na yun sa NAIA 3.

Ngayon at natukoy na natin kung tama o mali ba silang lahat, ang tanong ko, ano ang dapat gamutin para hindi na maulit ito? Siguro naman ay obvious na ang tinutukoy ko ay ang serbisyo ng Cebu Pacific ano po.

At kahit na ano pa ang sabihing explanation nina Candice Iyog at ng boss niya na si Lance Gokongwei, ang alang kuwenta nilang serbisyo ang ugat ng napakalaking gulo na iyon sa airport.

Sukatin na ho natin ng husto! Kung ordinaryong tao po ba ang nagsuntukan sa NAIA 3 dahil sa pikon sa Cebu Pacific aabot ba ng ganito kahaba ang pagbabalita?

Sa karanasan ko po, yung isang nabanggit sa Police Report ay malaking bagay na para sa mga editor ng balita!

Pero dahil sangkot ang mga personalidad tulad nina Mon Tulfo, Raymart Santiago at Claudine Barretto, baka tapos na ang impeachment ni Chief Justice Renato Corona, pinag-uusapan pa sila.

Sa diretsahang salita, kung maayos ang serbisyo ng Cebu Pacific, hindi mag-iinit ang ulo ni Claudine, hindi kukuha ng litrato si Tulfo, hindi lulusob si Raymart at walang suntukang magaganap.

Kasi, nakatutok tayo sa mga personalidad, nakalimutan na natin ang tunay na ugat ng isyu. At ang tunay na ugat ay ang walang kuwentang serbisyo ng Cebu Pacific sa mga pasahero.

Ilan lang sa mga reklamo ukol sa Cebu Pacific ay ang double booking ng upuan, regular na pag-iwan ng bagahe dahil sobra ang bigat ng karga ng eroplano, promong piso na may nakakabit palang dalawang libong piso at delay ng eroplano na mas malala pa sa PAL.

Isama mo na dito ang walang kuwentang mga ground crew na hindi ka man lang kakausapin o kaya ay tatarayan ka kapag nagreklamo ka at baka naman nakikita na natin kung saan nanggaling si Claudine.

Sige na, mataray at palengkera na nga si Claudine, totoo din daw yun. Pero kung kayo ang nasa lugar niya at lahat ng bag ninyo ay nawawala, hindi kaya mang-away din kayo?

Isipin po natin ang sitwasyong ito at tanungin natin ang sarili natin, dapat nga bang gastusin natin ang pinaghirapan nating ilang libong piso sa isang airline na regular na palpak at walang kuwenta ang serbisyo?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply