CGMA hihilingin sa Pasay RTC na makapagpagamot sa ibang bansa

MAGHAHAIN ng mosyon ang kampo ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) upang hilingin na payagan siyang makapagpagamot sa kanyang tinataglay na karamdaman sa ibang bansa.

Kinumpirma kahapon ni Pasay RTC Branch 112 spokesperson Felda Domingo makaraang tumawag ang abogado ng dating pangulo upang ipabatid ang nakatakda nilang paghahain ng kaukulang mosyon.

Ayon kay Domingo, mismong si Atty. Raymontril Santos, abogado ni Gng Arroyo ang nagkumpirma sa kanila na maghahain na sila ng kaukulang kahilingan sa susunod na linggo dahil kinakailangan na ng kanilang kliyente na masuri ang lumalalang karamdaman.

Posible aniyang maagang inihayag ng abogado ni Gng. Arroyo ang balakin dahil nakabakasyon ng buong linggo hanggang sa araw ng Biyernes si Judge Jesus Mupas na siyang humahawak sa kasong electoral sabotage na kinakaharap ng dating pangulo.

Nauna rito’y napaulat na ang tinataglay na sakit ng 65-anyos na dating pangulo ay posibleng humantong sa kanyang kamatayan sa oras na hindi kaagad mabigyan ng lunas ng mga dalubhasang doktor sa ibang bansa.

Lumala umano ang kalagayan ni Gng. Arroyo matapos na muling magka-problemang muli ang itinanim na titanium metal plating sa kanyang leeg na nagiging dahilan upang madalas siyang mabulunan kapag kumakain at mahirapang humingi.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply