Corona, hindi tanga ang taumbayan

MISTULANG telenovela ang nangyari sa impeachment trial nitong mga nakalipas na araw lalo na nang maupo si Chief Justice Renato Corona sa impeachment court bilang pangunahing testigo ng depensa.

Ito ang hindi makalilimutang pangyayari sa kasaysayan ng bansa dahil ngayon lamang tayo nakakita ng isang Punong Mahistrado na nakaupo sa impeachment court na mistulang hindi alam ang mga batas na umiiral sa bansa.

Sa nangyari kasi sa Senado, halatang-halata naman na simpatiya na lamang ang kinukuha ni Corona sa taumbayan dahil baon na siya sa mga ebidensiyang inihayag ng prosekusyon lalo’t higit ang hostile witness ng depensa na si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.

Malinaw naman kasi sa mga record ng AMLA na sandamakmak ang pera ni Corona, maging ito man ay peso o dollar account na kanyang hindi idineklara sa kanyang SALN.

Kakaibang tikas ang ipinakita ni Corona nang umupo ito sa nasabing tribunal dahil mistula itong tangang abogado na hindi alam ang batas ng bansa.

Maging ang tanong ni Sen. Kiko Pangilinan na kung ano ang mas mangingibabaw kung mayroong conflict sa batas at Konstitusyon ay mistula niyang sinagot na parang puno ng katangahan at kaignorantehan? Malinaw naman kasi na ang Konstitusyon ang mangingibabaw  sa isang ordinaryong Republic Act lamang pero sa halip na sagot na matino ay sagot eng-eng ang kanyang ibinigay sa mga matatalinong mambabatas na umaakto ngayong huwes ng impeachment trial.

Maging ang kanyang pag-amin na P80 milyon at $2.4 milyong deposito ay isa na ring malinaw na pag-amin ng kanyang mga kabuktutan sa bayan dahil hindi niya ito isinama sa kanyang SALN.

Ginawang tanga ni Corona ang taumbayan at Senado dahil alam naman ng lahat na ang kanyang mga kasalanan sa bayan.

Malinaw pa sa sikat ng araw ang kanyang mga maling gawi kaya’t tiyak na ang kanyang pagkakatanggal dahil ang Senado ay tahanan ng matino at matatalinong tao na may angkin malasakit sa bayan.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply