Corona judgment day tututukan ni PNoy

PERSONAL na tututukan ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III ang paghatol ng Senate impeachment Court kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona sa pangambang magkaroon ng delubyo sa Senado.

Sa isang panayam kay Pangulong Aquino matapos dumalo sa Youth Summit 2012 na idinaos sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City, sinabi ng Pangulo na nais niyang “present” siya sa mga magiging kaganapan sa Senado mamaya dahil sa pangambang magkaroon ng milagro.

“Parang ayaw ko na hong umalis dito. Kaya lang ho meron tayong kailangang panoorin mamayang hapon. Baka ‘pag-absent tayo may mangyaring milagro doon, at hindi ho mangyayari ’yon. At hindi ho milagro kung mangyari ‘yon, kabaliktaran— delubyo po ‘yon, sabi ko.”

Naniniwala rin ang Pangulo na kailangan ngayon ang dasal ng sambayanang Filipino para sa mas maayos na hatol kay Corona.

HATOL

Ibababa ng mga senator-judges ang hatol kay Corona sa pamamagitan ng nominal voting, ibig sabihin isa-isang bibigyan ng dalawang minuto ang bawat senator-judges para magpaliwanag ng kanilang boto.

Unang pagbobotohan ang article 2, sunod ang article 3 at 7 pero kung sa article 2 pa lamang ay guilty na si Corona ay hindi na kailangang pagbotohan ang iba pang articles of impeachment.

Kailangan ng 16 na senador para ma-convict, habang walo lamang para maabswelto si Corona.

Sa 23 senador na miyembro ng impeachment court, apat dito ang direktang kapartido ni Pangulong Noynoy Aquino sa Liberal Party na sinasabing nagsusulong mismo ng pagpapatalsik kay Corona sa pwesto.

Ito ay kinabibilangan nina Sen. Franklin Drilon, Sen. Teofisto Guingona III, Sen. Kiko Pangilinan, Sen. Senator Ralph G. Recto.

Kabilang din sa sinasabing kaalyado ng administrasyon ay sina Sen. Serge Osmeña, Sen. Panfilo Lacson,  Sen.Antonio Trillanes IV, maging si Sen. Edgardo Angara na ang anak ay tagapagsalita ng prosekusyon.

Sa Senado, apat na senador ang sinasabing nasa opposition at ito ay kinabibilangan ng Villar bloc, kung saan kasama ni Sen. Manny Villar ay sina senators  Joker Arroyo, Bongbong Marcos at Miriam Defensor-Santiago.

Sa nakaraang kampanyahan, kasama rin sa Nacionalista Party (NP) ni Villar ang magkakapatid na Pia at Alan Peter Cayetano.

Isa rin sa inaantabayanan ang swing vote ng Enrile bloc kung saan kasama naman ni Senate President Juan Ponce Enrile, ay sina Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada, Senate majority leader Tito Sotto at Gringo Honasan.

Sakaling maging guilty ang hatol kay Corona, agad na maglalabas ng resolution ang impeachment court at dito nakasaad ang effectivity ng pagpapatalsik sa pwesto kay Corona bilang punong mahistrado ng Korte Suprema.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply