Corona, swak sa P187M bank deposits– Rep. Angara

HINDI na ipinagtaka ni Aurora Rep. Sonny Angara ang pag-amin ni Chief Justice Renato Corona sa dollar ($2.4M) at peso (P80M) accounts dahil alam ng prosecution na may natago siyang yaman, kaya’t hindi tinanggap ang alibi nito sa impeachment trial.

“Kahit hindi kami siguro sa eksaktong halaga ng kanyang bank deposits, sa simula’t simula pa lamang, alam na namin na may nakatago siyang yaman na hindi ideneklara sa kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth),” ayon kay Angara, tagapagsalita ng prosecution panel.

Sinabi ni Angara na mas lalong tumibay ang alegasyon ng House prosecution panel nang aminin ni Corona sa impeachment court ang $2.4 milyong dollar deposits at P80 milyong peso account na siyang naglagay sa punong mahistrado sa balon ng pagkakamali.

“Lumakas ang alegasyon ng prosecution na nagsinungaling si Corona sa kanyang SALN nang hindi ideklara ang multi-milyong secret deposits,” ayon kay Angara.

Ayon kay Angara, hindi kinakagat ng prosecution panel ang alibi ni Corona na hindi kanya ang multi-milyong accounts kaya’t hindi niya ito itinala sa kanyang SALN.

“Kitang-kita naman natin sa kanyang pag-amin na hindi nya talaga ideneklara ang secret bank deposits sa katuwiran na may bahid ng confidentiality ang dollar accounts at commingled accounts ang peso deposits,” ayon kay Angara.

“Iniisip ba niya na madaling maloko ang taumbayan. Siya ang chief justice, dapat siya ang mas nakakaalam ng batas,” ayon pa kay Angara.

Alinsunod sa Saligang Batas, ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act at ang Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials and Employees na inaatasan ang lahat ng tao sa gobyerno na dapat ideklara ang lahat ng ari-arian at liabilities upang matiyak na hindi nagpapayaman sa kanilang puwesto.

Umabot lamang sa P3.5 milyon ang halaga ng cash at pamuhunan ang ideneklara ni Corona sa kanyang SALN para sa 2010.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply