Dahilan ng mga delayed flight sa NAIA

PARA sa kaalaman ng hindi pa nakababatid, ang San Miguel Corporation (SMC) na ang may controlling shares sa Philippine Air Lines (PAL), ang itinuturing na opisyal na flag carrier ng bansa.

Malihim ang naging negosasyon dahil naselyuhan ang bilihan sa pagitan ng grupo nina Boss Danding Cojuangco at Ramon Ang ng SMC at ni El Kapitan Lucio Tan ng PAL noong ipinagdiriwang ng bansa ang Mahal na Araw.

Maganda ang timing kaya hindi lumikha ng gaanong ingay ang transaksyon at walang masiyadong naging partisipasyon sa negosasyon ang iba pang stakeholders gaya ng mga nagpoprotestang empleyado ng PAL.

Ang tanong ngayon ay ano na ang mangyayari sa mga sinipang manggagawa at mabibigyan pa kaya sila nang tsansa sa ilalim ng bagong pamunuan?

Pero hindi muna ang isyu hinggil sa mga sinibak na manggagawa ang gusto kong talakayin sa ngayon kundi ang plano ni Ang na bumili ng karagdagang 100 bagong eroplano para palakasin ang kanilang serbisyo at siyempre ang tubo sa kanilang negosyo.

Ayos naman ang planong iyon dahil siguradong marami ring malilikhang trabaho ang pagdaragdag ng mga bagong eroplano.

Kaya lang ay mukhang dapat komunsulta muna ang bagong PAL management sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng Department of Transportation and Communications (DOTC) bago sila pumalaot sa plano nila.

Sa ngayon kasi ay malaki na talaga ang problema ng mga paliparan sa bansa partikular na ang Ninoy Aquino International Airport, dahil hindi na nila kayang ma-accommodate sa pinakamabilis na oras ang lahat ng mga dumarating at umaalis na eroplano.

Ang resulta ay ang walang katapusang pagka-delay ng mga flight na sinusundan naman ng reklamo nang mga naaapektuhang pasahero na lumilikha ng hindi magandang imahe para sa bansa.

Ang nakikita kong dahilan ng mga flight delay na ito ay promotional fares na pinauuso nang ilang airline firm.

Ang kaya lang kasing i-accommodate ng NAIA ay 36 na eroplano kada oras pero dahil sa mga promo ay lumalagpas pa sa 40 ang bilang na nagreresulta naman sa air traffic jam.

Mabuti nga lamang at wala pang disgrasyang nangyayari na direktang resulta nang sistemang iyan ng mga airline.

At kung hindi mapipigilan ang ganitong sistema ay siguradong hindi na natin makukuha kailanman ang category 1 status kahit ilang libong eroplano pa ang bilhin ng PAL.

Kung talagang mapera ang grupo nina Ang dapat ay magpagawa na muna sila nang bago at modernong airport bago nila isiping bumili ng karagdagang eroplano para di na rin sila makadagdag pa sa problema.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply