Dapat mapunta sa tamang tao ang Hacienda Luisita

MUKHANG may basehan ang pangamba ng ilang líder-magsasaka na maaring magsulputang parang kabute ang mga pekeng benepisaryo sa Hacienda Luisita.

Ang pangamba ay ibinase ni Jun Vergara, nominee ng partylist group na Urban Poor Development Services, Inc. (UPDS), sa karanasan ng mga unang nabiyayaan ng reporma sa lupa sa pareho ring asyenda.

Natatakot kasi sina Vergara na baka gumamit ng dummy claimants ang pamunuan ng hacienda na kunwari ay gagalaw at magiging benepisaryo pero sa huli ay ibebenta muli sa pamunuan ang kanilang lupa.

Ang nais mangyari ng grupo ni Vergara ay masiguro na hindi na muling maghihirap at mapagsasamantalahan ang mga tunay na benepisaryo ng lupa.

Base sa inisyal na mga dokumento, nakatakdang tumanggap ang pamilya ni Vergara ng may 6,000 square meters o 3.6 ektarya ng lupa sa Hacienda Luisita na pag-aari ng angkan ni Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Kung totoo man ang mga pangambang ito ay dapat lamang na kumilos na ang Department of Agrarian Reform (DAR) upang masiguro na sa tamang benepisaryo lamang mapupunta ang lupa.

Maliban sa pagtitiyak na sa mga tamang tao lamang mapupunta ang lupa dapat ay matiyak na mapakikinabangan din nila ito para hindi na nila ibenta muli sa Hacienda Luisita sa bandang huli.

Sa madaling salita ay kailangan ng mga benepisaryo ang lehitimong suportang serbisyo at angkop na guidance.

Pero kahit anong suporta ang gawin ng DAR, kung ang mismong ang mga lider-magsasaka ang mabibili ng pamunuan ng asyenda, malamang sa hindi ay muli na namang mabigo ang laban ng mga magsasaka.

Sa huli ay dapat magpakita rin si Pangulong Noynoy ng sinseridad na talagang gusto niyang sundin ang utos ng Korte Suprema at kung kinakailangan ay gamitin niya ang kanyang kapangyarihan upang ipamahagi ang lupa.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply