Dayuhan sa interior design industry, bawal na

ISASAAYOS ni Sen. Antonio Trillanes IV ang industriya ng interior design sa pamamagitan ng panukala upang protektahan ang local practitioners laban sa dominasyon ng dayuhan at paunlarin ang kakayahan ng mga Pinoy.

Sa ilalim ng inihain ni Trillanes na Senate Bill (SB) 3139, magkakaroon ng malaking pagbabago sa industriya ng interior design na higit na paglilinangin alinsunod sa internasyunal na pamantayan.

“Ang kauna-unahang Philippine Interior Design Act ay inihain noong 1998 sa pagkilala ng lumalaking bilang ng mga propesyunal sa larangan ng interior design sa ating bansa. Ito rin ay naglatag ng mga polisiya kung saan nilalayon nitong proteksyunan and interes ng mga Pilipinong interior designer,” ani Trillanes.

Ngunit ayon kay Trillanes, dahil sa pagsulong ng teknolohiya at progreso sa industriya, “kinakailangan magkaroon ng pagbabago upang gawing moderno ang propesyon ng interior design sa bansa na nakabatay sa internasyunal na pamantayan na huhubog sa kagalingan ng mga Pilipinong interior designer.”

Ang SB 3139, kikilalan bilang Philippine Interior Design Act of 2012, ay aamyenda sa RA 8534 para baguhin ang kasalukuyang regulasyon sa propesyon ng interior design kabilang ang pagrehistro at pagkuha ng lisensya ng mga interior designer.

Ang panukalang batas ay poprotekta sa interes  ng mga lokal na interior designer at huhubog sa kanilang competitive edge sa pamamagitan ng sapilitang edukasyong propesyunal at pagdaragdag ng kaalaman at kasanayan ng mga interior designer.

Ayon kay Trillanes, mga lehitimong propesyunal lamang ang papayagan sa bansa. Dagdag pa niya ang polisiya ng pag-iisyu ng permit sa mga  banyagang interior designer ay dapat pag-aralan upang maprotektahan ang mga Pilipinong interior designer at ang lokal na industriya.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply