DFA: Chinese vessels lumabag sa fishing ban sa Panatag

MISMONG ang mga barkong mula sa China ang lumabag sa ipinatutupad na fishing ban sa pinag-aagawang Panatag o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea o South China Sea, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa ginanap na pulong balitaan kahapon, inihayag din ni DFA Assistant Secretary Raul Hernandez na patuloy ang pagdami ng mga fishing vessel at government vessel sa pinag-aawayang hugis-triangulong kalipunan ng mga buhanging-isla at bato na matatagpuan 220 kilometro mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Ayon pa sa DFA, nitong Mayo 21 lamang, umabot sa limang Chinese government vessels na may tatak na CMS-71, CMS-84, FLEC-301, FLEC-303 at FLEC-310 at 16 na fishing vessel kung saan sampu ang nasa loob ng lagoon, ang nakita ng Philippine Coast Guard (PSG) sa islang 472 nautical miles ang layo sa Hainan Province, ang pinakamalapit na lalawigan ng China.

Bukod dito, namataan din ng PCG ang mahigit sa 50 utility boats mula sa China, kung saan 27 rito ay nasa loob ng lawa habang 29 naman ang nasa labas ng karagatan.

Matatandaan na ipinatutupad ng China at Pilipinas ang fishing ban sa South China Sea, kabilang na ang Bajo de Masinloc upang mapangalagaan ang yaman-dagat sa karagatan. Tatagal ang pagbabawal na mangisda hanggang sa Agosto 1.

Ayon pa sa DFA, nakakasama sa marine biodiversity ng karagatan ang patuloy na pagdami ng mga barkong dumadaong sa isla.

Sinabi pa ni Hernandez na nakakalap sila ng mga katibayan na iligal na kumukuha ng malalaking clams at corals ang mga mangingisdang Tsino sa isla.

Ipinagdiinan pa ni Hernandez na bagama’t determinado ang Pilipinas na pahupain ang tensyon, hindi naman katanggap-tanggap ang mga hakbanging ginagawa ng China sa Panatag Shoal.

Nagpadala na rin ang Maynila ng Note Verbale noong Lunes sa Beijing sa pamamagitan ng kanilang embahada sa Pilipinas upang ipaabot ang karaingan ng pamahalaan sa ginagawang panghihimasok ng China sa Panatag.

Ayon pa kay Hernandez, nakalulungkot na ang mga nasabing hakbangin ay naganap sa kabila ng pagmamalaki ng China na gumagawa ito ng pamamaraan upang pahupain ang tensyon, habang nag-uusap ang magkabilang panig sa mga pamamaraan kung papaano matutuldukan ang standoff sa Scarborough Shoal.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply