Dorobong airline companies

HULI man daw at magaling ay baka makahabol pa rin.

Ni-rehash ko nang bahagya ang kasabihang iyan ng mga Pinoy dahil mukhang ganun na nga ang nangyayari sa Department of Transportation and Communications na pinamumunuan ni Sec. Mar Roxas.

Sinabi kasi ni Roxas na kumikilos na ang kanilang kagawaran para solusyunan ang lumalalang problema nang air traffic at congestion sa mga paliparan sa bansa lalo’t higit sa Ninoy Aquino International Airport.

Sa kabila kasi nang napakarami at matagal ng mga reklamo tungkol sa problema sa flights na karamihan ay resulta ng mga promo fare ay mukhang ngayon pa lang natatauhan ang DOTC.

Dati kasi ay binabalewala lang pareho nang mga airline company at mga taga gobyerno ang mga reklamo pero dahil nagkasunod-sunod na ang mga problema ay naobliga nang mag-usap ang dalawang panig.

Halimbawa na lang na kung iisipin ay walang ibang dapat sisihin sa sapakan nina Mon Tulfo at Raymart Santiago sa NAIA kundi ang kompanyang Cebu Pacific.

Dahil kasi sa sobrang mga promo ng kompanyang ito ay naobliga silang i- off load ang ilang mga bagahe na kinabilangan ng bag na may lamang gamot para sa anak nila ni Claudine.

Napikon si Claudine dahil alam niya na paying passenger siya kaya inaasahan niya na kung may i-off load man na bagahe dapat iyong pag-aari nang mga promo passenger.

Kundi pa nag rumble sa NAIA ang ilang kilalang personalidad ay hindi pa talaga kikilos ang mga concerned office para solusyunan ang problema roon.

Abusado na kasi ang mga airline company na ito na walang habas magbigay ng promo fares pero wala rin naman silang pakialam kung magresulta man sa mga cancelled bookings o di kaya ay delayed flights ang mga schedule nila.

Ang masakit pa ay wala man silang konsiderasyon na ilipat o dalhin sa maayos na mga hotel ang kanilang mga pasahero pag nagkaroon ng aberya ang mga scheduled flight nila.

Kumbaga ang ibig sabihin noon ay “fly at your own risk” at wala silang pakialam kung magkaproblema na hindi naman kasalanan ng mga pasahero nila.

Tama lang ang ginawa ni Sec. Mar na kumilos na para kastiguhin ang mga abusadong airline companies. Wala na kasing inisip ang mga negosyanteng iyan kundi ang kikitain nila at wala silang pakialam kung mapahamak man ang mga pasahero nila.

Sige na Sec. Mar, hagupitin mo na ang mga dorobong airlines na iyan!

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply