Ex-Hungarian president dapat tularan ni Corona

HINIMOK ngayon ng isang kongresista si Chief Justice Renato Corona na tularan nito ang nagbitiw na pangulo ng Hungary na si Pal Schmitt.

Ginawa ni Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe ang panawagan kasunod ng nalalapit na araw ng pagsisimula ng paglilitis sa impeachment case ni Corona.

Giit ni Batocabe na makabubuting tularan na lamang nito ang pagbibitiw ng dating Hungarian president.

Si Schmitt ay kusang umalis sa kanyang posisyon bilang pangulo ng naturang bansa dahil sa kasong plagiarism matapos mapatalsik sa kanyang sports doctorate matapos mapag-alaman ng unibersidad na pinapasukan nito na nangopya ito sa kanyang thesis ng walang pagkilala na ginawa sa mga may-akda ng librong pinagkopyahan.

Sinabi ni Batocabe na dapat na pamarisan ni Corona si Schmitt na nagbitiw alang-alang sa pagkakaisa ng buong nasyon matapos na kakitaan ng pagkakahati-hati ng mga tao noong hindi pa ito umaalis sa pwesto.

Ani Batocabe, tulad ng nangyari kay Schmitt ay nakakasira na rin sa imahe ng Korte Suprema bilang isang matatag na Institusyon ang mga alegasyon laban sa Punong Mahistrado.

Bukod pa aniya dito ang matagal na proseso ng impeachment trial ay nakakaapekto sa pagiging produktibo ng taumbayan at sa kanilang pang-araw-araw na buhay.

Maging si Akbayan Party-list Rep.Walden Bello ay nanawagan na isunod na rin ng Ombudsman ang forfeiture o pagsamsam sa mga deposito at ari-arian nito kasunod ng gagawing imbestigasyon sa kuwestyonableng $10 million na deposito nito sa Philippine Savings Bank.

Ngayong Mayo 7 ay babalik na ang paglilitis sa Impeachment case ni Corona kung saan ipagpapatuloy ang presentasyon ng mga ebidensya ng depensa ng punong mahistrado.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply