Fishkill sa Laguna

ANO na ba ang ginagawa ng Laguna Lake Development Authority at Department of Agriculture sa nagaganap na fishkill sa Laguna de Bay?

Op kors, oki na rin ang utos ng DA na mag-ani na ang lahat ng mga nag-aalaga ng isda sa lawa para maagapan ang paglaganap ng fishkill mula sa mga tilapia hanggang sa mga bangus at iba pang isda.

oOo

Sa paghinto ng pangingisda sa lawa, Suki, libo-libo katao ang apektado.

Titigil nang walang tiyak na panahon ang operasyon ng mga fishcage, fishpen at fishpond at iba pang alagaan ng isda sa lawa.

At dahil titigil ang mga negosyong ito, titigil din ang kita ng libo-libong obrero rito.

Titigil din ang buhay ng mga vendor ng isda, pati ang mga nagbibiyahe ng mga ito.

Kukulangin din ng isda ang mga palengke na suki ng mga mangingisda sa Laguna.

At kukulangin ang mamamayan ng pagkukunan ng protina at iba pang mahahalagang sangkap para sa magandang kalusugan.

Ganyan katindi ang epekto ng fishkill sa 90,000 ektaryang lawa na ikinabubuhay ng milyones na  mamamayan.

oOo

Nga pala, kakulangan lang ba talaga ng oxygen ang dahilan ng fishkill sa lawa?

May kakulangan ng oxygen kung sobra-sobra ang inaalagaan na isda sa lawa.

Hindi kaya may nakalalasong kemikal mula sa libo-libong pabrika na nakapalibot sa lawa na dumadaloy sa lawa ngayong umuulan at ito ang nagiging dahilan ng fishkill?

Maalaalang puno ang kamay ng LLDA ng mga violator sa polusyon.

At hindi lahat ay nahuhuli, bukod sa patuloy na pagtatapon ng polusyon ng mga nahuhuli.

Sana, bukod sa pagkontrol sa itinatanim na isda sa lawa, bigyan ng mga kinauukulan ng pansin ang mga nakalalasong kemikal na itinatapon sa lawa.

Hindi lang isda kundi tao ang nalalason diyan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply