Garapalan ang kotong sa BoC

TILA, hindi na magagamot ang katiwalian diyan sa Bureau of Customs.

Ito ang pakiwari natin dahil sa tutuwina, pinapalitan ang mga mamumuno sa numero unong korap na ahensyang ito ng gobyerno sa hangaring mabago ang kalakaran dito, pero nariyan pa rin ang mga korap.

Walang dudang masidhi ang hangarin ni Pangulong Noynoy Aquino na malinis ang pamamahala sa Aduana kaya itinalaga si dating Cong. Ruffy Biazon bilang komisyoner at ex-Gen. Danny Lim bilang deputy BOC commissioner.

Si Biazon, lalo na si Lim ay mga personalidad na kinatatakutan dahil may disiplina at matatapang sa pagharap sa tungkulin, pero ang tingin natin eh wa-epek ang mga ito sa mga tiwali riyan sa BOC.

In fairness, nagtatrabaho ang dalawang mama na ito dahil nagkaroon ng pagbabago ang ahensya sa kanilang maiksi pa lang na liderato.

Pero sa kabila ng kanilang estriktong pamamahala ay nakalulusot ang kalokohan ni alyas ‘Moris’, isang dating pulis na noong kanyang kapanahunan sa pulisya ay nasangkot sa operasyon ng mga iligal na sugalan.

May bata si ‘Moris’ na isang sibilyan na nagngangalang ‘Elmo’ na ginagamit sa pag-orbit sa mga negosyante sa Aduana.

Partner ni ‘Moris’ at ‘Elmo’ ang isang tiwaling kawani ng BOC na kilala sa alyas na ‘Jimmy Black’

Ayon sa customs insider ng Chokepoint, si ‘Moris’ ay nakapasok sa mga kalakaran sa BOC sa pamamagitan ng isang Manila Police official na may matalik na kaibigang customs official noong ‘di pa si Biazon ang komisyuner.

Nawala ang dating liderato ng BOC nguni’t naiwanan si ‘Moris’ na patuloy na nagsasagawa ng ‘kotong’ operation hanggang sa kasalukuyang administasyon ni Biazon.

Ayon sa ulat, ginagamit ni ‘Moris’ ang pangalan ni Biazon sa pangongolekta umano ng lingguhang tara sa mga ‘player’ sa Aduana.

‘Di lang pala itong si ‘Moris’ ang salot sa BOC, maging itong sina Tere, Lex at isang nagngangalang Rico ay nagwawalanghiya rin sa Aduana at ginagasgas ang pangalan ni Comm. Biazon sa panghihingi ng ‘lagay’ sa mga nagnenegosyo sa Water front.

Kailangang kumilos si Comm. Biazon para mahinto ang ginagawa ng mga ogag na ito sa bakuran ng kanyang ahensya.

At saka, ayaw ni PNoy ang katiwalian, kaya dapat ay mapatino ni komisyuner ang BOC.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply