Gatasang pagpapalalim daw ng ilog

ILANG araw na lang papasok na ang tag-ulan.

Taya ng mga eksperto, malamang, matitinding bagyo at pag-ulan ang daranasin ng bayan.

May mga lugar na kung ituring ay “flood prone” o bahain. Nalalaman naman kasi kung ang isang lugar ay mababa o kulob na walang dadaluyang maayos ang tubig-ulan patungong ilog hanggang sa dagat.

Ito Ang Totoo: ang kapatagan ng Olongapo City ay isang halimbawa ng flood-prone area.

Kaya naman taon-taon na lang ay may pagbahang nagaganap: may malala at merong medyo malala lang, pero malala pa rin.

Napaliligiran ito ng mga bundok at ang kapatagan ay dating latian
o marsh lands na “below sea level.”

Puro tambak ang ginawa sa malaking bahagi ng sentro nito para matirahan at matayuan ng mga gusali, kasama na ang sa ngayo’y  Subic Bay Freeport na dating Base Naval ng mga Amerikano hanggang 1992.

Ang naghihiwalay sa Base Naval noon na Subic Bay Freeport ngayon, sa lungsod ng Olongapo, ay ang pinalawak na kanal na kung tawagin noon ng mga Amerikano ay “Shit River” dahil nga bukod sa marumi, amoy “shit” naman talaga.

Pana-panahon ay dina-draga ito ng mga Amerikano kaya kahit may amoy at marumi, malalim-lalim rin ang “shit river” noon kaya nakadaraan naman dito ang tubig ulan mula sa kabundukan at ang pagbabaha ay naiiwasan.

Ngayong wala na ang mga Amerikano, hindi naman ito ipina-draga ni minsan sa nakalipas na dalawampung taon ng pumalit na Subic Bay  Metropolitan Authority (SBMA) na nangangasiwa sa Subic Bay Freeport.

Ang halos isandaang metrong lapad ng “shit river” sa pagitan ng Olongapo at Subic Freeport ay halos lupa at putik na lang sa babaw.

Nag-proyekto pa nga rito ang mga civic organization ng pagtatanim ng bakawan na nagsitubo naman sa ilang bahagi.

Ngayon ang pamahalaang lungsod ng Olongapo ay nagsasagawa ng pagda-draga o pagpapalalim sa “shit river” gamit ang kontrobersiyal na P70M halaga ng maliit na draga o “dredging machine” na pinuntahan at binili pa sa Amerika ilang taon na ang nakalilipas.

OK naman na palalimin ang “shit river” dahil makakatulong ito laban sa pagbabaha sa Olongapo.

Ang hindi OK at Ito Ang Totoo: sa may isandaang metrong lapad ng “shit river,” mga sampung metro lang sa gitna ang hinuhukay ng mga dalawang metro raw ang lalim.

Kasabay nito ang paghahakot ng mga hinukay ng back-hoe sa ilang bahagi naman ng Kalaklan river na paulit-ulit na lang sa bawat taong ginawa ng diyos, daan-daang milyong piso kung hindi bilyones na ang sinasayang sa hindi naman epektibong pamamaraan.

Ayon tayo na ang mga daluyan ng tubig ay palalimin at alisin ang mga bara pero Ito Ang Totoo: hindi porke naghukay o nag-draga nga ay OK na.

Dapat malinaw na ang dami at lalim ng hinukay o din-raga ay makakatugon sa pangangailangang dami at lalim upang madaanan ng maayos ng tubig-ulan mula sa mga kabundukan at totohanang malabanan ang pagbaha.

Lumalabas kasi na pakitang-tao lang ang paghuhukay at pagda-draga kaya nga may malaking signboard na nakakabit sa draga na ang sabi sa malalaking letra na “Dredging Project” ni Mayor Bong Gordon.

Ang masakit nito, matapos ang pag-ulan, wala na ni hibla ng “ibidinsiya” na may pagda-draga o paghuhukay na ginawa, kasama ng tubig na nawala ang perang ginastos at nananatiling peligro sa buhay at ari-arian ng mamamayan ang pagbaha.

Tingnan natin kung sa darating na tag-ulan, pagbaha ay maiiwasan.

Dahil kung hindi, titibay ang pananaw ng marami na bukod sa pakitang tao para sa boto, ang pagda-draga ay pinagkakakitaan lang ng ilan sa City Hall, hindi ba JLO? Ito Ang Totoo.

***

Ipaabot sa Ito Ang Totoo sa pamamagitan ng txt ang inyong mga mensahe sa cp no. 09994001162 o sa Facebook http://www.facebook.com/pages/Ito-Ang-Totoo-Remate/143876209055760.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply