Geohazard maps maida-download sa 4 website

MAAARI nang ma-download ang geohazard maps sa apat na websites ng pamahalaan, kabilang na ang pinangangasiwaan ng isang non-government organization (NGO).

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), bukod sa kanilang opisyal na website na (www.denr.gov.ph), maaari na ring ma-download ang nasabing mga mapa sa website ng Mines and Geosciences Bureau (www.mgb.gov.ph), Philippine Information Agency (www.pia.gov.ph) at sa Environmental Science for Social Change (www.essc.org.ph).

Sinabi ni Environment Secretary Ramon J. P. Paje na layunin ng hakbang na mapalawak pa ang access ng publiko sa mga geohazard maps na naging mahalagang bahagi ng mga gawain para mabawasan at mapangasiwaang maigi ang mga kalamidad at trahedya sa bansa.

Anang kalihim, asahan na umano natin ang matitinding bagyo na may malalakas na hangin at pagbagsak ng ulan na posibleng maghatid ng pagbaha at landslides lalo pa’t natukoy ang Pilipinas bilang isa sa pinakaapektadong bansa pagdating sa usapin ng climate change.

Hinimok muli ng kalihim ang publiko na maging aktibo sa paggawa ng hakbang upang maiwasan o mabawasan ang negatibong epekto ng mga kalamidad hindi lamang sa ating mga pamilya at komunidad kundi sa buong bansa.

Bilang bahagi ng risk reduction and management program ng pamahalaan, nakikipag-ugnayan na ang DENR sa iba’t ibang institusyon at organisasyon para mailagay sa kani-kanilang websites ang geohazard maps upang mas marami pa ang makakuha ng kopya nito.

Ang pinakahuli nga ay ang Environmental Science for Social Change (ESSC), isang non-profit research organization na nakabase sa Ateneo de Manila University sa Quezon City.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply