52-anyos ginang binaril sa Pasay City, patay

PATAY ang isang 52-anyos na ginang nang barilin nang malapitan sa ulo ng hindi nakilalang salarin habang nagsusugal ng tong-its sa harap ng kanilang bahay kahapon ng madaling araw sa Pasay City.

Namatay habang ginagamot sa Pasay City General Hospital ang biktimang si Lucila Luna, residente ng 2592 Inocensio St., makaraang tumagos sa kanyang bungo ang bala ng kalibre .45 ginamit ng suspect sa pamamaslang.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Cris Gabutin ng Investigation Division ng Pasay police, kalaro sa sugal na tong-its ng ginang ang mga kapitbahay na sina Vanessa Jimenez, 27 at Hilga Obina, 34 dakong alas-12:30 ng madaling araw nang lumapit ang lalaking nasa pagitang ng 20 hanggang 25-taong gulang at malapitang binaril ng hawak na kalibre .45 sa ulo ang biktima.

Nang marinig ng pamilya ng biktima ang putok ng baril, tinangka nilang tulungan ang ginang subalit pinaputukan sila ng suspect bago nagmadaling sumakay sa isang motorsiklo at tumakas patungo sa hindi nabatid na lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na pinaghihinalaan umano ang ginang na may kinalaman o sangkot sa pagkamatay ng isang hindi pa nakikilalang bata sa kanilang lugar noong nakaraang buwan na posibleng dahilan ng pamamaslang.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply