Go tayo vs oil cartel at pera-pera sa langis

PUMOSISYON si Pangulong Noynoy Aquino sa problema sa langis.

Utos niya, repasuhin ang batas sa langis, ang Oil Deregulation Law.

Alam ba ninyo ang kaibahan ng posisyon sa posisyon ng kanyang mga KKK?

Heto, mga Bro. “Wala tayong magagawa dahil sa Oil Deregulation Law,” sigaw ng mga KKK.

Wala silang magagawa sa higit na pagpapamahal ng mga kompanya ng langis sa mga produktong petrolyo kaysa pagro-rolbak nila ng presyo.

Wala rin silang magagawa sa dagdag-bawas sa presyo upang makabawi sila sa rolbak sa ilang produkto sa pamamagitan ng price hike.

At lalong wala silang magagawa laban sa pagsasamantala dahil malayang-malaya umano ang mga kompanya ng langis na maglagay ng presyo sa kanilang mga produkto.

Kahit magkahetot-hetot na ang buhay ng mamamayan dahil sa kalokohan ng mga kompanya ng langis, wala pa rin silang magagawa.

KAILANGAN NILANG SUMUNOD

Ngayon nga ay naririyan na ang utos para sa pagrepaso sa Oil Deregulation Law.

Nangangahulugan ng pagrepaso, mga Bro, ang pagsilip sa lahat ng anyo ng pagsasamantala ng mga kompanya ng langis, maliliit man o malalaki gaya ng Big 3 na Petron, Shell at Caltex o Chevron.

Nangangahulugan din ito ng pagbuwag sa nasabing batas.

Nangangahulugan din ito ng pag-amyenda rito.

At isusulong nila ang mga pagbabago sa Kongreso nang may buong katapatan.

Para maipakita ng mga KKK na ito ang kanilang katapatan sa bayan, sa boss ni PNoy, kailangan nilang sumunod.

Ngayon din ay dapat na itigil ng mga KKK ang pagiging spokesmen ng mga oil company kung kailan tataas at bababa ang presyo, kakambal ang mga rason na nakikitang mga palusot na lamang.

SI BOSS MUNA

May isa pang kahulugan ng pagrerepaso.

Dapat nang tingnan muli ng pamahalaan ang kalagayan ng mamamayan na nagdurusa sa kagagawan ng mga kompanya ng langis.

Kung sobra na ang paghihirap ng mamamayan sa kamay ng mga kompanyang langis, dapat nang kumilos ang pamahalaan upang isalba ang una at kastiguhin ang huli.

Itong pagkastigo, mga Bro, ang hindi magawa-gawa ng mga KKK.

Parang takot na takoooot ang mga ito sa mga kompanya ng langis.

Pero hindi natin alam kung may iba pang dahilan ang kanilang pagkatakot sa oil companies.

Maganda na sigurong si PNoy mismo ang magrerepaso naman dito.

PERA-PERA SA LANGIS

Kung sa akala ninyo ay walang pera sa langis sa Pinas, diyan kayo nagkakamali.

Una, bakit simbilis ng kidlat ang mga kongresman, senador at mga taga-Palasyo sa pagsasabatas noon ng Oil Deregulation Law?

Kayo na, mga Bro, ang bahalang mag-isip ng mga dahilan.

Nang ginawa nila ang nasabing batas, nagkakaisa sila sa pagsasabi na isang araw ay magugulat na lang tayo na mura na pala ang mga produktong petrolyo.

Anak ng tokwa, kabaligtaran ang nagaganap.

Hindi lang nakagugulat kundi nakababangungot ang pagmamahal ng langis.

PERA NAGBUNGA NG GUTOM

‘Yang pera na nagpabilis sa pagkakagawa ng batas ay nagbubunga na ngayon ng katakot-takot na gutom at paghihirap ng lahat ng mamamayan.

Kauna-unahan ang mga tsuper at operator ng mga pampublikong sasakyan sa mga nagiging biktima.

Parehas nang nalulugi at nawawalan ng kita ang mga ito  at tanging ang mga kompanyang langis na lamang ang binubuhay ng mga tsuper at operator.

Marami na ring magsasaka ang hindi nagsasaka sa tag-araw dahil ayaw nilang malugi sa mahal na langis o diesel para sa patubig at pambasa sa bukid para maararo.

Nagmamahal din ang mga abono dahil nanggagaling ang mga ito sa langis.

Marami ring mangingisda  ang hindi basta pumapalaot kung walang kawan silang nakikita para malaglagan ng lambat o bingwit.

PABRIKA LUGI

Alam din ba ninyo, mga Bro, na maraming negosyo ang nalulugi rin dahil sa mahal na langis.

Siyempre pa, nandiyan ang mahal na langis na konsumo ng kanilang mga delivery truck o generator sa oras ng brownout.

Pero ‘yang pagmamahal ng kuryente ay sanhi rin ng mahal na langis.

Kapag pumalpak ang mga planta ng kuryente na pinatatakbo ng uling, natural gas, tubig at iba pa, yang mga generator at planta ng kuryente na pinaaandar ng mga langis ang humahalili. Diyan na nagmamahal ang kuryente.

At dahil sa mahal ang kuryente sa Pinas at mas mahal pa sa Japan, hindi lang may naluluging negosyo. May lumilipat sa ibang mga bansa.

At diyan na nagkakaroon ng kawalan ng trabaho ang maraming manggagawa.

Pati na ang mga negosyong nakasuso sa mga ito gaya ng mga restaurant, suplay ng mga pagkain, suplay ng mga gamit ng sasakyan at gamit mismo ng pabrika, at mga nagnenegosyo ng buy and sell ay apektado rin.

PATI PULIS

Akalain ba natin na pati mga pulis ay apektado rin sa napakamahal na langis?

Ang daming hindi nagpapatrulya na pulis dahil nauubusan sila ng gasolina.

Dahil nauubos ang kanilang gasolina, hindi rin sila basta makapagresponde sa mga emergency laban sa mga kriminal.

Kaya huwag na tayong magtaka kung “always late” ang mga pulis sa pagresponde.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply