Gov’t worker tiklo sa human trafficking sa Zamboanga

TIMBOG ang isang kawani ng pamahalaan noong Biyernes matapos na mangalap ng 50 kabataan na posibleng biktima ng human trafficking sa Zamboanga City.

Sa ginanap na biglaang pulong balitaan, sinabi ni Vice President Jejomar Binay na pinangakuan ang mga kababaihan na karamihan ay menor de edad na bibigyan ng ayuda sa pag-aaral ng pamahalaan matapos na pumasa sa pagsusulit na gagawin ng National Youth Commission (NYC).

“Ngunit sa pag-iimbestiga ng Task Force on Human Trafficking, nakumpirma namin mula mismo kay Commissioner Earl Saavedra ng NYC na wala silang nakatakdang anumang eksaminasyon,” pahayag pa ni Binay.

Tumanggi si Binay na pangalanan ang empleyado na nagrecruit sa mga kabataan, gayundin kung saan ahensiya ito nagtra-trabaho, habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 9208 o Anti-Human Traffickiing Act at ang RA  7610 o Protection Against Child Abuse.

Ayon pa sa Binay, nailigtas ang mga kabataan na karamihan ay galing sa Isabela City, Basilan noong Biyernes ng umaga.

“Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Visayan Forum at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga batang kababaihan,” dagdag pa ni Binay.

Pinasalamatan din ng chairman emeritus ng Inter Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang lahat ng tanggapan ng pamahalaan na nagtulong-tulong para sagipin ang mga kababaihan at sa kanilang determinasyon na sugpuin ang human trafficking at ang pagsasamantala sa mga kabataan.

“Gayundin sa Visayan Forum, ang isa sa ating mga kasamang non-government organizations (NGOs) sa kampanya laban sa human trafficking,” sabi ni Binay sa ginanap na pulong balitaan sa kanyang tanggapan sa Coconut Palace, CCP Complex, Pasay City.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply