Hamon sa buhay: Ginhawa bago hirap (2)

UPANG makalimot sa problema at tumulong sa pamilya ang dahilan kung kaya’t naisipang magtungo at makipagsapalaran ni Nanay Josie sa bansang Macau.

Magandang buhay at masayang pamilya. ‘Yan ang mayroon si Josie dito sa Pilipinas ngunit matapos ang paghihiwalay nila ng asawa ay nilisan niya ang bansa at nakipagsapalaran sa Macau.

Mahirap ang naging simula niya sa nasabing bansa sapagkat iba’t ibang pagsubok ang kanyang pinagdaanan bago siya napasok na domestic helper doon kung saan isa siya sa mga tinatawagan upang maglinis ng bahay ng mga taga roon.

Bagama’t awang-awa sa sarili noong simula ay napagtanto rin niya na higit siyang mapalad kaysa sa ibang mga kababayan natin na nagtatrabaho na napipilitang kumapit sa patalim upang mabuhay at makapanatili roon.

“Yung mga ibang Filipino, ang dami rito. Mga turista, mga walang trabaho. Ang dami ring mga Filipinong prostitute kasi siyempre wala silang trabaho. Kumakapit sila sa patalim para may maisustento sa sarili nila,” malungkot na salaysay niya.

Dahil sa kanyang mga nasaksihan ay naisip niya na mapalad pa rin siya at hindi siya humahantong sa gayong sitwasyon upang mabuhay.

Patuloy na nagsikap si nanay Josie upang makaahon hanggang sa magkaroon siya ng isang bahay sa Macau, na kanyang pinapaupahan sa mga kababayan natin na walang matirhan doon. Pumasok din siya sa isang restaurant bilang isang waitress.

Akala niya ay ito na ang simula ng kanyang pagbangon, subalit nang minsan siyang umuwi ng Pilipinas ay wala na ang kanyang paupahan at maging ang kanyang mga naipundar na gamit ay naipagbili na nang bumalik siya.

Dahil sa pangyayaring iyon ay tila nagsimula ulit sa umpisa si nanay Josie, naranasan din niya na matulog sa isang parke sa ka-walan ng matutuluyan, subalit ang mga pagsubok na iyon ay hindi naging dahilan upang patuloy siyang malugmok at hindi bumangon.

Muli siyang nagsikap, patuloy na nakipagsapalaran at humarap sa mga pagsubok, hanggang sa unti-unti ay nakabangon siyang muli.

Ang lahat ng pagpapagal at pagtitiis ay nagbunga nang makapagtapos ng kolehiyo ang kanyang mga anak na naiwan sa Pilipinas.

Isang mechanical engineer, isang physical therapist at isang nurse. ‘Yan ang trabaho ng mga anak ni Nanay Josie.

Ayon sa kanya ang lahat ng kanyang mga pagpapagal at hirap na tinitiis sa Macau ay tila nasuklian nang makapagtapos ang kanyang mga anak.

Bagama’t nagbabalak na balang araw ay magretiro at umuwi ng Pilipinas ay naisip niyang manatili muna sa Macau.

Patuloy niyang nakikipagsapalaran doon kasabay ng pag-asam na balang araw ay muling mabubuo ang kanilang pamilya at babalik ang kanyang asawa.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi.

Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply