Hamon sa buhay: Ginhawa bago hirap

MATINDING kalungkutan ang dulot ng paghihiwalay nila ng asawa ang nagtulak sa isang ina, para mamasukan bilang isang domestic helper sa Macau.

Waiter, propesor, inhinyero at marami pang iba. ‘Yan ang mga uri ng taong nakilala ko sa Macau, subalit isang istorya ng buhay ang pinakatumatak sa aking isipan – ang istorya ni Nanay Josie – isang domestic helper sa nasabing lugar.

Tubong Abucay, Mabatan sa Bataan si Nanay Josie, masaya at maginhawa ang kanyang buhay kasama ang kanyang tatlong anak.

Mayroon siyang katulong at hindi niya gaanong problema ang mga gastusin upang matustusan ang pag-aaral ng kanyang mga anak na noon ay nagsisipag-aral pa, dahil ang kanyang asawa ay may magandang trabaho sa Saudi Arabia.

Kuntento na siya sa kanilang masayang buhay pero isang malaking hamon ang sa kanya’y sumubok. Naghiwalay sila ng kanyang asawa na noon ay nasa Saudi.

Dahil sa matinding kalungkutan at pighati dahil sa nangyari ay nagdesisyon siyang mangibang bansa upang kahit papaano ay mabawasan ang lungkot na kanyang dinaranas at upang kumita ng salapi para sa gastusin ng kanilang pamilya.

Dinala ng kanyang kapalaran si Nanay Josie sa bansang Macau, na noon ay hindi pa gaanong maunlad kung ikukumpara sa kasalukuyan nitong estado.

Halos isang buwan ring walang trabaho si Nanay Josie noong unang buwan niya roon, kaya iba’t ibang trabaho ang kanyang pinasok gaya ng pagtitinda ng mga pagkain at pagma-manicure upang kahit papaano ay matustusan niya ang kanyang mga pangangailangan doon.

Hanggang sa makapagtrabaho siya bilang isang domestic helper, kung saan ay natulungan siya ng kanyang boss na isang Portuguese upang magkaroon ng blue card at maging ligal ang pananatili niya sa Macau.

Naging mahirap ang adjustment para kay Nanay Josie sapagkat ang dating magandang buhay sa Pilipinas ay nauwi sa pagiging isang katulong sa Macau at ayon nga sa kanya ay hindi madali ang makaranas ng ginhawa muna bago hirap’.

Sa kabila nito ay patuloy ang pakikibaka at pagsisikap ni Nanay Josie sa ibayong dagat, patuloy niyang sinusuportahan at tinutulungan ang kanyang mga anak na sa kasalukuyan ay nakapagtapos na ng pag-aaral at mga propesyunal na.

*******

Sa iba pang istorya ng buhay ng ating mga kababayan overseas, tumutok lamang sa Biyaheng Langit at Kasangga Mo Ang Langit sa IBC13 tuwing Huwebes, 11:30 ng gabi. Bisitahin ang Facebook fan page: BIYAHENG LANGIT/KASANGGA MO ANG LANGIT.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply