Hindi waiver and kailangan kundi batas

NAGING kontrobersyal ang hamon ni Chief Justice Renato Corona sa mga Congressman na pumirma silang lahat ng waiver para sa provision ng Bank Secrecy Law. May ilang agaw-eksenang mambabatas na kaagad kinagat ang hamon ni Corona at willing daw silang pumirma ng waiver. Ang ilan naman ay tumanggi at hindi pinatulan ang hamon ni Corona, kabilang dito ang paborito niyang senador na si Sen. Franklin Drilon. Sabi nga nila ay wala silang tinatagong kayamanan at deklarado lahat sa SALN.

Hinikayat naman ng Malacañang na pumirma ng waiver  ang mga kasapi ng gabinete.

Pero kahit na katakot-takot na waiver ang pirmahan ng ating mga mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan ay hindi pa rin basta-basta magbibigay ng impormasyon ang bangko hinggil sa kanilang mga depositor. Lalong-lalo na ang mga “valued client” nila. Sobrang ingat ng mga bangko tungkol sa perang nakadeposito sa kanilang pangangalaga. Asahan mo na kapag ipinakita mo ang waiver, ang sagot kaagad ay ire-refer muna namin sa Legal Department namin. Natural lang yon dahil sa kaya nga nagtitiwala ang mga depositor sa bangko nila ay dahil sa proteksyon na ibinibigay ng bangko sa kanilang naka-depositong salapi.

Pero kung may batas tayo na nag-eexempt ng mga government official sa proteksyon ng bank secrecy law ay hindi na kailangan na magpapogi ang ilang mambabatas.

Kung natatandaan ninyo, mga reader, ay may nilathala tayo na series na Mga Panukalang Dapat Isabatas. Isa po sa binanggit ko ang panukala: An act to amend Section 2 of RA no. 1405 otherwise known as Secrecy of Bank Deposits Law exempting government officials, employees from the prohibition against disclosure or inquiry with any banking institution and for all other purposes.

Kung seryoso talaga ang mga mambabatas na tanggapin ang hamon ni Corona ay ipasa agad ang panukalang ito at ihabol bago ang SONA ng Pangulong Aquino. Sigurado na pipirmahan niya ito.

Mas mainam ito sa waiver. Dahil paglamig ng issue ng impeachment ni Corona ay madaling i-withdraw ng mga mapapel na congressman ang kanilang waiver. Matatabunan na ito ng ibang news lalo na’t malapit na ang halalan.

Pero kapag ipinasa na ito at ganap nang batas ay wala nang hamunan na maglabas ng nakaw sa bayan. Dahil may batas na pwedeng pagbasehan ang publiko kapag may duda ng katiwalian sa isang opisyal.

Ang tanong ay ipapasa kaya ito ng Kongreso? Magkakaroon kaya ito ng malaking impact sa banking industry?

Kayo, mga reader, sa tingin niyo, ipapasa ba ito ng ating mga mam-babatas? Marahil, kung i-“certify” na urgent ni Pangulong Aquino ang panukalang ito ay hindi na magagamit ng mga government official ang bank secrecy law upang harangin ang anomang imbestigasyon sa kanila.

Nasa kamay na po ng ating mga mambabatas ang pagpasa ng panukalang matagal nang hinihintay ng taumbayan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply