Ilalim ng flyover nabili ng bus company?

TALAGANG grabe na ang traffic sa Kamaynilaan at hirap na hirap ang Metropolitan Manila Development Authority at lokal na pamahalaan na isaayos ang daloy ng mga sasakyan bunga na rin ng napakaraming bilang at mga walang disiplinang tsuper at pedestrians.

Isa pang dahilan ng mabagal na daloy ng trapiko ay ang wala sa lugar na mga pagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at concessionaires ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na Maynilad Water Service Inc (MWSI) at Manila Water Co. Inc. (MWCI).

At pinagrabe pa ng mga buhol-buhol na daloy ng mga sasakyan ng mga pampasaherong bus na bumibiyahe ng probinsiya na ang terminal ay nasa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue o EDSA.

Noong panahon ni dating Quezon City Mayor Ismael Mathay Jr., bago pa man ito bumaba sa pwesto, ay napagkasunduan na ng pamahalaan ng lungsod Quezon na tatanggalin na ang mga terminal ng bus sa kahabaan ng Edsa na nasasakupan ng lungsod.

Subalit nang mag-iba ang pamunuan ay hindi na naganap ang pag-aalis ng mga terminal sa kahabaan ng EDSA partikular sa nasasakupan ng Kamias at Kamuning.

Ang masakit pa nito, nabili na ng kompanyang Solid North Transport, subsidiary ng JAC Liner, ang ilalim ng flyover sa Edsa-Kamias. Bakit? Dahil ginawa na nila itong terminal o paradahan ng kanilang mga bus kapag gabi.

Sa araw, nagiging sagabal ang mga bus ng Solid North at Jac Liner sa pagdaan ng mga sasakyan kaya nga minsan ay ilang hakbang na lang ang tanggapan ng Department of the Interior and Local Government subalit hindi pa kaagad marating. Sabagay, hindi rin lang naman kasalanan ng nasabing mga kompanya ng bus ang pagbagal ng daloy ng trapiko subalit maging ng mga taxi at iba pang sasakyan na nagbababa ng pasahero sa terminal na ito sa Edsa.

Maganda siguro kung pasyalan ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang tanggapan ng Solid North Transit at pagsabihan na hindi nila nabili ang kalye at maging ang ilalim ng flyover upang gawin nilang paradahan ng mga sasakyang bus.

O baka naman pinauupahan na ito? Nino? Sino ang tumatanggap ng salapi? Aba’y dapat itong malaman ng pamahalaan. Swerte naman ng nakikinabang dito. At swerte rin ng Solid North dahil napakalaki ng kanilang paradahan ng mga sasakyan.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply