Illegal OFW sa China nanganganib

NANAWAGAN ang pamahalaan sa mga Pilipinong may mga kaanak na overseas Filipino worker (OFW) sa China na mag-ingat matapos na simulan ang paglilinis sa mga dayuhang iligal na nagtatrabaho sa komunistang bansa.

Sa natanggap na ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagpatupad ang lokal na pamahalaan ng Beijing ng crackdown o panghuhuli sa mga dayuhan na iligal ang pamamalagi o pagtatrabaho sa lungsod.

Batay sa kautusan, huhulihin at itatapon pabalik sa bansang pinagmulan ang mga dayuhan na walang maipakikitang dokumento na ligal ang kanilang pananatili sa Beijing.

Gayunpaman, hindi ito tinitingnan ng DFA na bilang paghihiganti sa mga OFW matapos na tutulan ng Pilipinas ang ginawang paghihimasok umano ng China sa Panatag Shoal.

Ayon sa ulat mula sa embahada ng Pilipinas sa Beijing, nilusob ng mga awtoridad ang mga kabahayan sa distrito ng Wangjing, Sanlitun at Wudaokou upang busisiin ang mga papeles ng mga dayuhang nakatira sa mga nasabing distrito.

Gayunpaman, wala pang natatanggap na ulat ang kagawaran kung may mga OFW ang napasama sa ginawang panghuhuli.

Magtatagal umano hanggang sa buwan ng Agosto ang paninita sa mga dayuhan sa Beijing, ayon naman sa ulat ng Xinhua News Agency.

Pinaalalahanan din ng DFA ang mga OFW sa Beijing na laging dalhin ang kanilang mga dokumento dahil maging sa mga lansangan ng siyudad ay magsasagawa ng paninita ang mga awtoridad.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply