Imbestigasyon sa pamamaslang sa close in security ni De Lima puspusan

INIHAYAG ni Justice Secretary Leila de Lima na puspusan ang isinasagawang imbestiagsyon ng National Bureau of Investigation sa kaso ng pagpaslang sa kanyang security aide na si Alister Quintos.

Sinabi ng kalihim na 24 oras ang ginagawang pasisiyasat ng NBI sa pagpaslang kay Quintos, miyembro ng Intelligence Security Operation Group ng Witness Protection Program ng Department of Justice.

Anang kalihim, lumalabas sa pagsisiyasat na bukod sa tama ng bala na tinamo ni Quintos ay marami pa itong mga pasa at tama ng pananakit sa katawan na indikasyon na siya ay pinahirapan bago tuluyang pinatay.

“Why did they torture him?”, sambit ni De Lima patungkol sa aniya ay sobrang pahirap na tinamo ng biktima mula sa mga hindi natutukoy na assailant.

Sa ngayon, wala pang lead ang NBI kung sino ang nasa likod ng pagpatay sa biktima ngunit ayon sa kalihim ay mayroong closed circuit television o CCTV camera sa lugar ng insidente na ngayon ay hawak na ng NBI.

Sa katatapos na flag raising ceremony kanina ay hindi rin napigilan ng kalihim ang pagtulo ng luha sa pagkawala ng itinuturing niyang aide na inilarawan din niya na very nice, very reliable at very sweet na hindi rin marunong magreklamo kahit na anong iutos.

Kasunod nito ay tiniyak ng kalihim na walang sasantuhin ang NBI at agad na isasampa ang kaso laban sa mga salarin sa sandaling magpositibo ang mga ebidensiya.

Nakasuot naman ng kulay itim ang lahat ng kawani sa Office of the Secretary bilang bahagi ng kanilang pagdadalamhati at pakikiramay sa pamilya ni Quintos.

Matatandaang natagpuan ang katawan ni Quintos sa San Ildefonso, Bulacan na may tama ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan at wala ng buhay.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply