Imperyalista na Intsik

LABIS tayong nagtataka kung bakit ang isinisigaw lamang palagi ng mga aktibista sa kalye ay “Imperialistang Kano” gayung malinaw naman sa ginagawa ngayong pambubuli ng mga Intsik sa Scarborough Shoal na isa itong pananakop sa teritoryo ng bansa.

Puro Kano na lang ang laging inuupakan ng mga “pulahan” gayung dapat silang maging patas sa pagtingin sa mga kaganapang ito sa bansa sa ngayon dahil malinaw pa sa sikat ng araw kung gaano dinuduro, inaalipusta at minamaliit ng mga Chino ang ating estado. Kung sisigaw sila ng imperialista dapat sabihin nilang parehong nananakop ang Intsik at Kano dahil parehas itong nananapak sa sobereniya at teritoryo ng bansa.

Malinaw sa mga kaganapan sa halos lahat ng rally ng mga cause oriented group na puro Kano lamang ang binabanatan gayung ang nagpabagsak sa ekonomiya ng Pilipinas ay mga Intsik dahil sa pagpapabagsak nila sa mga presyo ng halos lahat ng produkto na kinagat naman ng buong pandaigdigang merkado. Maging ang mga manufacturing business o pabrika sa bansa ay nagsipagsara na dahil nagsilipatan na ang mga ito sa China dahil bukod sa bawal ang “strike” sa bansang ito ay masyadong mura ang “labor” dito.

Marami pang usapin ang pananakop ng mga Intsik sa bansang Pinas kaya’t dapat na rin tayong mag-ingay sa United Nations dahil sa ngayon ay ito lamang ang kaya ng kasalukuyang estado. Halatang biased ang pulahan kaya’t marapat lang nating tayuan ang lahat ng mananakop, Intsik man at Kano dahil iisa lamang ang ating bansa.

Malinaw sa pagpapadala ng mga barkong pandigma sa Scarborough Shoal ng China na isa itong uri ng pananakop at ang pagtanggi nilang pag-usapan ito sa Pandaigdigang Tribunal ay isang uri ng kawalang galang at respeto sa kapakanan ng lahat ng bansa sa mundo.

Sa kasalukuyan ay 23 barkong pandigma ng China ang nasa Scarborough Shoal at iyan ay malinaw na paglabag at pananakop sa bansa. Tiyak ding kargado ng iba’t ibang malalakas na armas ang naturang barko kaya’t dapat ng umaksyon ang pamahalaan para kunin ang atensyon ng United Nation.

Marami pang paglabag ang  ginawa ang mga Intsik kaya’t dapat itong ibunyag din sa mamamayan na nananatiling binubulag ng mga nagpapanggap na tunay na lingkod ng bayan na alam naman nating sugo ng mga pulahan.

oOo

Sa mga naghahangad ng pagkalinga ng pitak na ito,maaari kayong mag-email sa barangayan-ni_isko@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply