Ipasa agad ang Family Planting Act

SANG matinong panukalang batas ang sa tingin ko ay dapat mabigyan ng pansin at tuluyan nang ipasa ng ating mga “magagaling” na mga mambabatas lalo pa at tapos na rin naman ang zarzuelang “CJ Corona Impeachment Trial.”

Ang tinutukoy ko ay ang panukala ni Parañaque 1st District Rep. Edwin Olivarez na nagtatakda sa bawat magulang ng mga ipanganganak na sanggol na magtanim ng dalawang puno bago mabigyan ng birth certificate ang kanilang anak.

Layunin ng panukalang batas na labanan ang lumalalang epekto ng climate change at para bigyang proteksyon na rin ang kapaligiran.

Maganda ang panukalang ito dahil forward looking at bagamat hindi natin kaagad mararamdaman ang epekto nito sa ngayon ay siguradong makikinabang naman dito ang mga darating pang henerasyon ng mga Pinoy.

Tinawag na “Family Tree Planting Act,” gusto ni Olivarez na puwersahing magtanim ang mga magulang ng sanggol ligal man na kasal sila o hindi.

Base sa panukala, ang mga puno ay puwedeng itanim sa mga bakuran ng bahay o ‘di kaya ay sa mga lugar na pipiliin ng mga taga-Provincial Environmental and Natural Resources Office (PENRO) o ‘di kaya naman ay Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) kung saan sila naninirahan.

Inaatasan din ng panukalang batas ang mga Local Civil Registrar ng bawat lungsod o bayan na huwag tanggapin ang rehistro nang mga sanggol maliban na kung sumunod sa batas ang mga magulang nila.

Ang barangay captain ang maglalabas ng affidavit of compliance kung nakatanim ang puno sa bakuran ng magulang at ang taga PENRO or CENRO naman ang magbibigay ng certificate kung sa mga lupa ng gobyerno sila nagtanim.

Hindi rin pinaligtas ng panukalang batas ang mga civil registrar na maaaring maparusahan ng pagkakulong, suspension at pagkatanggal sa trabaho sakaling mag-isyu sila ng birth certificate kahit hindi naman nagtanim ang mga magulang ng sanggol.

Bukod doon ay sasampahan din ng kaso ang mga hindi sumunod na magulang.

Wow!

Mukhang okay talaga ang panukalang batas na ito kaya hindi na dapat magdalawang-isip pa ang mga mambabatas at ipasa na ito agad.

Isipin na lang ang ginhawang maaaring idulot nito ilang taon mula ngayon hindi lamang sa kapaligiran kundi maging sa ating mga mamamayan.

Lahat ng bagay na mabuti ay hindi na dapat pagtagalin pa bago isagawa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply