Ipinagbabawal na ang mga plastik

MAGANDANG balita ang pagtatalaga kay Atty. Cleo Guerra bilang acting chief ng Public Information Office ng Supreme Court.

Bilang pangulo ng Association of Information Officers in Metro Manila (AIMM), inaanyayahan ko si Atty. Guerra at sinomang magiging permanenteng hepe ng PIO na maging active member ng AIMM.

Ang AIMM ay organisasyon ng mga PIO at Information Directors ng 17 LGUs at lahat ng national government agencies sa Metro Manila. Si NCR Dir. Riza Baldoria ng Philippine Information Agency ang adviser at founder ng grupo. Sinomang interesadong mag-member ay maaaring tumawag sa PIA-NCR office sa tel. 9294521.

* * * * * * *

Tulad ng Muntinlupa, Las Piñas, Pasig, Mandaluyong, at Quezon City, nagising na rin sa wakas ang Marikina sa masamang epekto ng plastik sa kapaligiran.

Sa pamamagitan ng Ordinansa bilang 18, Serye ng 2012 na kamakailan ay ipinasa sa Konseho – ipinagbabawal na sa lungsod ang malawakang paggamit ng plastik bilang lalagyan at pambalot ng mga produktong nabibili sa mga pamilihan.

Ang nasabing ordinansa ang tuluyang maglilimita sa paggamit ng mga plastik sa dry goods at pili na lamang ang paggagamitan nito sa mga wet goods.

Dapat tayo ay matuwa at dumarami ang lungsod sa Metro Manila na nagbabawal na sa paggamit ng plastik.

Ito ay sa kadahilanang bumabara sa mga daluyan ng tubig ang mga basurang plastik na maaaring magdulot ng pagbaha tuwing umuulan.

Bukod pa rito, inaabot ng halos 500 taon bago mabulok o made-compose ang plastik sa mga sanitary landfill. Kabilang din sa mga ipagbabawal ng nasabing ordinansa ay ang paggamit ng anomang kasangkapang gawa sa closed-cell extruded polystyrene foam na mas kilala sa tawag na styrofoam.

Sinomang indibidwal na mahuhuling lalabag sa ordinansa ay papatawan ng multang P500 sa bawat paglabag.

Kung hindi makababayad ay maaari magbigay na lamang ng walong oras na serbisyo sa komunidad o magbigay ng dugo na hindi bababa sa 200 cc.

Kung ikaw ay negosyante na madalas gumamit ng plastik o mga styro, tulad ng mga tindahan o kainan, mainam na paghandaan mo na ang pagpapatupad nito sa Nobyembre.

Meron ka hanggang Setyembre para ubusin na ang imbentaryo mo na plastik.

Huwag mo nang hintayin na pagbayarin ka ng multang P1,000 para sa unang paglabag; P3,000 at pansamantalang pagpapasara ng tindahan sa ikalawang paglabag; at P5,000 at permanenteng pagpapasara ng negosyo sa ikatlong paglabag.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply