Kailangan pa ba ng isang buwis-buhay?

KAMAKAILAN pinatay ang witness na si Alfred Mendiola, aminadong dating kasapi ng Dominguez carnap group, habang nasa ilalim ng witness protection program (WPP) ng Department of Justice (DoJ).

Kaya naman hindi lang si Bernadine Joson, star witness sa kasong pandarambong laban sa makapangyarihang pamilya Luna ng Abra, ang natatakot na posibleng mangyari sa kanya ang naging kapalaran ni Mendiola subalit mas higit ang kanyang pamilya at mga kaibigan.

Dapat lang na magising si DoJ secretary Leila De Lima sa isyu upang mabigyan niya ng karagdagang proteksyon si Joson at hindi siya mataranta sa paglilinis ng pangalan ng kanyang ahensiya sa masaklap na kamatayan ng saksing si Mendiola, alias Bading, na dating tauhan ng kilabot na Dominguez brothers.

Kailangang iutos ni De Lima na dagdagan ang nagbabantay kay Joson at maging sa kanyang pamilya upang hindi siya magalaw ng mga galamay ng akusado.

At kapag hindi rin kumilos ng mabilis ang tanggapan ni Ombudsman Conchita-Carpio Morales ay tiyak na mababalewala ang sakripisyo ni Joson, kalihim ng Sangguniang Bayan ng Lagayan, Abra noong panahong alkalde si Jendricks Luna.

Umalis sa kanyang trabaho bilang municipal planning and development coordinator si Joson dahil sa takot na may masamang mangyari sa kanya matapos pumayag na maging saksi sa mga kasong plunder, graft and corruption, technical malversation, unethical conduct, at paglabag sa government procurement reform act na isinampa laban kina dating Congresswoman Cecilia Seares-Luna at panganay na anak na si Jendrick, pangulo ng Lagayan Association of Barangay Captains.

Marami rin ang sangkot sa kasong isinampa laban sa mga Luna. Kabilang sa mga kinasuhan ay ang alkaldeng si Purificacion Blaza Paingan, tiyahin ni Cecilia, bise-alkalde na si Lara Haya Seares Luna, anak ni Cecilia; Marissa G. Donato, ingat-yaman ng munisipyo at kamag-anak ng mga Luna; Meno C. Dickenson, municipal accountant at si Osborne P. Dolaoen, municipal engineer.

Ang mga abogadong sina Harry Roque at dating kasamahan sa hanap-buhay na si Rommel Bagares, kapwa ng Center Law Philippines, ay naniniwalang mapapatawan ng parusa ang mga akusado dahil sa ginawa ng mga itong pagnanakaw sa kaban ng kanilang bayan sa loob ng kulang isang dekada. Umabot umano ng halos P133 milyon ang ninakaw nila sa pera ng pamahalaan.

Hindi naman imposible na magawa nilang nakawan ng milyon-milyong piso ang kaban ng yaman ng kanilang lugar dahil ang pamilya nila at kanilang mga crony ang may kapangyarihan at kontrol ng lokal na pamahalaan kasama ang Sangguniang Bayan.

Hindi na kayang sikmurain ni Joson ang kasuwapangan ng pamilya at hindi na niya kayang makita pang mas lalong naghihirap at nahihirapan ang mga mamamayan ng Lagayan kaya naman hindi na niya pinayagan na magamit pa siyang muli sa mga kalokohan ng pamilya Luna.

Maging ang “Daang Matuwid” ni Pangulong Benigno Aquino III ay nagamit ng pamilya Luna sa kanilang pagnanakaw dahil sa pagbili ng mga ito ng mga dilaw na t-shirt na pinabayaran din naman nila sa mga pinagbigyan.

Malaking kawalan kay Joson ang kanyang ginawang paglaban sa mga Luna at posible rin na maging buwis buhay ito sa kanya at sa kanyang pamilya subalit buong tapang niyang ginawa para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan kaya naman ay huwag sayangin ng mga mamamayan ng Abra lalo na ng pamahalaan.

Huwag nang hintayin ng DoJ at Ombudsman na may mangyari pa bago sila kumilos nang nararapat.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Maaari kayong mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply