Kanya-kanyang kasiraan

HINDI ko mapigil ang makisawsaw sa Mon Tulfo vs Raymart Santiago issue kahit bugbog na ito sa mga opinyon sa mga diyaryo at sa internet. Bahala na kung may magbasa pa sa aking ibig ibahagi.

Hindi ko kasi maubos-maisip kung paanong mula sa iisang insidente ay lumilitaw ang maraming kahinaan ng tao. Mga kahinaang sa pagdating ng panahon ay ikababagsak nila.

Malinaw ang kahinaan ni Claudine Barretto – ang pagkontrol ng kanyang emosyon.

Hindi naisabay sa kanilang eroplano mula sa Boracay ang kanilang bagahe. Ibinunton niya ang kanyang pagka-asar sa dalawang ground crew member ng Cebu Pacific airline.

Kahinaan ding masasabi ang magkunwaring may kapangyarihan. Totoo kayang nagde-demand pa ang aktres na makausap ang mga Gokongwei, may-ari  ng Cebu Pacific, noong oras ding iyon?

Ang kahinaan ng esposo ni Claudine na si Raymart, dating action star at komedyante, ang akalaing may karapatan siyang mangkumpiska ng cellphone ng may cellphone dahil artista siya.

Ang problema ay kay Mon Tulfo ang cellphone na napagdiskitahan niya. Ginamit kasi ng kolumnista ang cellphone camera niya upang kunan ang pagtataray ng aktres sa loob ng NAIA Terminal 3.

Ang kahinaan ni Mon, maliban sa pagiging usisero dala ng kanyang pagiging mamamahayag, ay pisikal. Senior citizen na siya, kaya’t nang kuyugin ay nabugbog-sarado.

Sa iba’t ibang antas ay naperwisyo sila ng kani-kanilang kahinaan.

Hindi na magiging kapani-paniwala si Claudine bilang isang bidang babaing inaapi.

Hindi na bibilib ang mga manonood kay Raymart bilang macho na nam-bubugbog ng mga maskuladong siga.

Nakatimo na sa isip ng publiko ay ang eksenang sinasakal niya ang isang may-edad para masuntok ito ng kanyang mga kasama at asawa.

Kay Mon Tulfo naman, aminado siyang nasaktan ang kanyang ego at imahe bilang isang hard-hitting na kolumnista at brodkaster.

Dati ay mga heneral, dating First Gentleman at iba pang astig ang nilalampaso niya.

Tapos, nabugbog siya nina Raymart, Claudine at mga kasama nito.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply