KAPRITSO NG LAMAN (Ika-98 na labas)

“SORRY kung ngayon ko lang ito sasabihin sa iyo. Nasa Taipei pa ako, alam ko nang gumagawa ng milagro si Sally. Nagsimula ito nang umalis siya sa poder ko at tumira sa condo ng live in partner niya ngayon. Kaya makabubuting kalimutan mo na siya.

Narito naman ako at handang punuan ang mga pagkukulang niya sa iyo,” sabi pa ni Tina kay Jude.

Hindi siya sinagot ng lalaki …

Bigla itong tumayo at iniwan si Tina.

Alam niya na galit si Jude …

Ibig sabihin, epektibo ang kanyang ginawa.

Punong-puno ng kasiyahan ang dibdib na napatingi si Tina.

Dumeretso naman sa labas si Jude …

Naupo sa garden chair …

Dito niya ipinagpatuloy ang pag-iisip.

Sinisisi ang sarili …

Kung hindi niya pinayagang mag-abroad si Sally, hindi sana nagkawindang-windang ang kanilang pagsasama.

Gusto niyang isipin kung may pag-asa pa silang magkabalikan ng asawa.

Parang suntok na sa buwan ang kanyang iniisip …

Malungkot na napatungo si Jude.

SAMANTALA, dahil sa kaiisip, mag-uumaga na nang makatulog si Sally.

Tinanghali tuloy siya …

Kung hindi pa siya ginising ni Linda, baka ma-late siya sa pinapasukang trabaho.

Nagmamadali siyang naligo at pagkatapos ay nagbihis …

Uminom na lang siya ng kape para mainitan ang tiyan …

Hindi na siya nag-almusal para hindi ma-late sa pinapasukan.

Makaraang humigop ng ilan sa tasa ng mainit na kape, nagpaalam na siya kay Linda.

Kahit pa sabihing isang ride lang siya sa tren, medyo malayo ang Zhongsan Metro Shopping Mall sa Taipei 101 na dating pinapasukan.

Habang nagmamadali si Sally patungo sa ZhongShan MRT station, naggagayak na naman
si Jason sa tinitirahang condo unit.

Simula ngayon nang paghahanap niya kay Sally saan mang branch ng Taipei 101 ito naroroon.

Dahil sa paghahanap niya sa sinisinta kaya naisipan niyang mag-leave sa pinapasukan.

Hindi niya maiisip na bumalik sa trabaho hangga’t hindi sila nagkakausap at nagkakabalikan ng kasuyo.

Hindi nagtagal at lulan na siya ng kanyang kotse patungo sa ZhongShan Metro Shopping Mall.

Sa mga sandaling iyon, nakasakay naman si Sally sa tren.

Panay ang tingin sa orasan …

Kinukuwenta ang oras …

Nakahinga siya nang maluwag nang mapatunayang hindi siya mali-late ng dating sa bagong pinapasukan.

Hindi kasi maganda na kabago-bago lang niya ay mali-late kaagad ng pasok.

Nakakahiya sa namamahala sa jewelry store.

Tamang-tama lang ang dating ni Sally.

Tiyempong bago pa lang nagbubukas ang department store.

Nagpa-inspection muna siya sa guard bago pumasok …

Matapos ito, dumeretso na siya sa jewelry store na pinapasukan.

Halos magkakasunod lang silang dumating ng mga kasamahan niya sa trabaho.

Wala pang kostumer …

Maaga pa …

Nang maya-maya’y bumukas ang salaming pintuan nito …

Sabay-sabay silang napatingin sa unang kostumer na dumating.

Palinga-linga ito …

Anyong may hinahanap …

Huli na para magtago ni Sally …

Nakita na siya ni Jason.

Marahang lumapit sa kanya ang binata.

Kunwari’y pumipili ng alahas habang pasimpleng kinakausap ang babae.

“Pinahirapan mo ako nang kahahanap sa iyo, Sally. Pero ngayong nakita na kita, hindi ako matatahimik hangga’t hindi kita nakakausap,” sabi ng lalaki. Itutuloy

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply