KAPRITSO NG LAMAN (Wakas)

SA loob ng panahong nalalabi ni Sally sa Taipei, sa trabaho na lang niya ibinuhos ang kanyang atensiyon.

Ayaw na niyang maulit pa ang minsang pagkakamali kaya hindi umiwas na siyang makipagkomunikasyon kay Jason.

Pero isang hapon na kalalabas lang niya ng pinapasukan, nagulat siya ng makitang naghihintay sa labas ang binata.

Hindi siya nagsalita …

Mga mata na lang niya ang hinayaang magtanong sa lalaki.

“Hep! Baka ka mag-isip nang kung ano, uunahan na kita. Pinuntahan lang kita para imbitahan,” nakangiting sagot ni Jason.

“S-Saan?” kunot-noong tanong ni Sally.

“Malapit na akong ikasal at gusto sana kitang kuning abay. Gusto kong ipakita sa iyo na nakalibing na sa limot ang ating nakaraan. Gusto kong magsimula tayong muli pero bilang mabuting magkaibigan na lamang,” sagot ng binata.

Biglang nagliwanag ang mukha ni Sally.

“Why not?” masaya niyang sabi.

Isinama siya ng binata sa isang restoran kung saan naghihintay ang nobya ng binata.

Maganda rin ito pero meron siyang napuna sa babae na nagngangalang Jana.

Malaki ang hawig nito sa kanya …

Halos pareho lang ang katawan nila …

Konti lang ang diperensiya nila.

Ngumiti na lang siya.

“Kailan naman kayo magpapakasal?” tanong ng babae habang sila ay kumakain.

“As soon as possible!” mabilis namang sagot ni Jason. “Bago ka bumalik ng Pilipinas, gusto kong magpakasal na kami ni Jana.”

“Okey, kahit hindi pa kayo nakakasal, binabati ko na kayong dalawa,” nakangiting sabi ni Sally.

“Sana’y wala kang maging problema at maging maligaya sa pagbabalik mo sa Pilipinas,” sagot ni Jason.

Hindi nagsalita si Sally.

Ano ba ang sasabihin niya ay matagal na silang walang komunikasyon ng asawang si Jude?

“Hopefully!” ang tanging naisagot ng babae.

Hindi naman sila nagtagal sa restoran.

Pagkatapos nilang mag-dinner ay naghiwa-hiwalay na sila para umuwi sa kani-kanilang tinitirahan.

Umaandar ang isipan ni Sally habang lulan ng tren pauwi sa apartment ng kaibigan na si Linda.

Masaya siya sa naging kaganapan sa buhay ni Jason.

Malungkot naman siya para sa sariling buhay.

Hindi kasi niya alam kung may pamilya pa siyang babalikan pagbalik niya ng Pilipinas.

Pero nagulat siya pagdating sa apartment …

“Tamang-tama ang dating mo, Sally. Tumawag ang asawa mo. Kausapin mo siya!” hangos na sabi ng kaibigan.

Mabilis na naupo si Sally sa tabi ng telepono.

Umalis naman si Linda para bigyan ng pagkakataong makapag-usap ang mag-asawa.

“Ang tagal nating walang komunikasyon. Kumusta ka na?” sabik na tanong ng babae.

Iba ang isinagot ni Jude.

“Tantiya ko, malapit nang matapos ang kontrata mo. Uuwi ka pa ba rito?” tanong ng asawa.

“Oo naman. Bakit, hindi mo na ako tatanggapin?” sagot ni Sally.

“Bakit naman hindi ay asawa kita. Nag-aalala lang ako na baka pinalitan mo na ako kaya hindi mo na ako babalikan,” sabi ni Jude.

“Hindi ko kayang magpalit ng asawa. Baka ikaw?”

“Hangga’t hindi mo ako pinapalitan, ikaw pa rin ang ituturing kong asawa kahit kailan,” sagot naman ni Jude.

Naluha si Sally sa sinabi ng asawa.

“Hintayin mo ang pagbabalik ko. Pangako, hindi na tayo muling magkakahiwalay pa,” sabi ni Sally.

Naluluha rin sa labis na kagalakan si Jude.

“Lagi akong naghihintay. At tulad ng sinabi mo, ayoko nang muli pa tayong magkahiwalay sa muli nating pagsasama.”

Ang pag-uusap nila ay natapos sa iyakan …

Ang maganda, hindi magwawakas sa pangit ang kanilang kasaysayan. (Abangan ang isa pang nakakikilig na nobela)

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply