Katarungan sa napaslang na radio reporter – CBCP

UMAPELA ng katarungan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) para sa napaslang na Catholic Radio reporter na si Nestor Libaton ng DXHM/Spirit FM.

Kasabay nito, nanawagan si CBCP President at Cebu Archbishop Jose Palma sa mga awtoridad na tutukan ang kaso ni Libaton.

Nagpaabot din si Palma ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at nagpahayag ng pag-asang mabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng reporter.

Ayon kay Palma, labis ang kanyang kalungkutan sa pangyayari lalo pa at gugunitain ng Simbahang Katolika sa buong mundo ang World Communications Sunday na nagpapaalala sa mamamahayag sa kahalagahan ng Social Communication at paghahayag ng mabuting balita ng Panginoon.

Binigyang-diin din ng Arsobispo na walang karapatan ang sinuman na kumitil ng buhay dahil ang Panginoon lamang ang makapagpapasya rito.

Umaasa rin si Palma na pagsisihan ng mga nasa likod ng pagpaslang ang nagawang malaking kasalanan.

Samantala, inaasahan naman na ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz ang pagtaas o paglobo ng kaso ng extra-judicial killings sa bansa na pumalo na sa 76 kabilang na ang pagpaslang kay Libaton.

Ayon kay Cruz, noon pa man ay nakitaan na aniya ng kahinaan ang Pangulong Benigno Simeon Aquino III, lalo na sa pagpapatupad ng batas.

Inihayag pa ng Arsobispo na hindi mawawakasan ang kultura ng kamatayan sa bansa kung ang mga nagpapatupad ng batas ay hindi sumusunod at hindi kumikilos para mapigilan ito.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply