Kawatan na humirit ng sex sa ninakawan, timbog

ISANG mandarambong ng mobile phone na gumagala sa Espino Road, Zone 7 Barangay Central Signal Village, Taguig City ang binitbit ng mga elemento ng Barangay Security Force (BSF) matapos tangayin ang LG Qwerty Pad ng isang bebot na kanya ring tangkang gahasain, Biyernes ng gabi.

Kinilala ng mga humuling BSF ang suspek na si Michael de Guzman Tulinao, 24 at nakatira sa 25B Norway St., Pinagbuklod, Brgy. New Lower Bicutan habang nakilala rin ang nagreklamong biktima na si Rachelle Ann S. Blen, 22 at nakatira sa 30 Bernardo St., Zone 3, Brgy. Central Signal Village, naturang lungsod.

Isinalaysay ng biktimang si Rachelle na naglalakad sila ng kanyang mister sa kahabaan ng Espino Road nang lumitaw sa kanilang likuran ang suspek na si Michael na agad anilang humablot ng kanilang gadget at mabilis na tumakas ito.

Dahil sa itinuturing ng may-ari na may sentimental value ang tinangay na unit, sinubukan niyang padalhan ng text message ang kanyang cell phone na hawak ng kawatan upang alukin ito ng pera kapalit ng kanyang gamit.

Sinabi ng biktima na bukod sa pera, humirit pa aniya ang kawatan ng makipagtalik sa kanya sa buong magdamag kapalit ng kanyang cell phone, bagay na idinulog nito sa mga elemento ng BSF na gumawa naman ng hakbang upang madakip ang suspek.

Nang lumutang ang suspek sa tipanang lugar na plinano ng BSF, mabilis na dinakma ng mga ito ang kawatan at dinala sa himpilan ng mga kapulisan.

Nahaharap sa kasong pagnanakaw ang ikinulong na suspek.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply