Kondisyon ni Corona di kinagat ni Belmonte

TUMANGGI si House Speaker Feliciano Belmonte Jr. na kagatin ang hamon ni Chief Justice Renato Corona na mag-isyu rin ng waiver upang maisapubliko ang bank accounts nito at mga miyembro ng Movement 188 na pumirma sa impeachment complaint laban sa kanya.

Ani Belmonte, ang punong mahistrado ang may obligasyon na magsapubliko ng kanyang kayamanan kaya wala siyang pagpipilian kundi ang magpaliwanag sa publiko.

Si Speaker Belmonte ay isa sa pumirma sa impeachment complaint kasama ang 188 na kongresista.

Sinabi pa ni Belmonte na napatunayan na sa paglilitis na malaki ang halaga ng deposito ni Corona na hindi deklarado sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

Hindi rin pinaboran ni Belmonte na balikan ng hamon si Corona upang isantabi ang mga kondisyon para sa waiver nito upang kusang loob na pabuksan ang kanyang accounts.

Para naman kay Negros Occidental Rep. Alfredo Benitez, na isa rin sa miyembro ng Movement 188 na walang kwestiyon ang hamon ni Corona na pumirma ng waiver upang mabusisi ang kanilang accounts.

Paliwanag ni Benitez, pag nasa public office ay dapat payag sila sa mga ganyang isyu o usapin.

Samantala,  tumanggi rin si House lead prosecutor at Iloilo Rep. Niel Tupas na lumagda sa waiver para makalkal ang kanyang bank accounts.

Ang pagtanggi ay ginawa ni Tupas sa impeachment court nang direkta itong tanungin ni senador Jinggoy Estrada.

Binigyang diin ni Tupas na hindi siya pipirma sa waiver dahil hindi naman siya ang nasasakdal.

Ang pagpirma sa waiver ay inihamon ni Chief Justice Renato Corona bilang kondisyon niya sa isang waiver na pabubuksan niya ang kanyang bank accounts kapag lumagda rin sa isang waiver ang 188 solons na lumagda sa impeachment at si Senador Franklin Drilon.

Kinumpirma rin ng kongresista kay Estrada na hanggang ngayon ay wala ni isa sa 188 na mambabatas na lumagda sa walong article of impeachment ang lumagda sa waiver.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply