Konsultasyon susi sa ARMM good governance

MARAMI ang nagtataka sa dami ng mga summit, conference, meeting at dialogue na isinagawa mula nang maupo si OIC Regional Governor Mujiv Hataman sa ARMM dahil ito umano ang kauna-unahang napansin ng ilang mga tagamasid na kakaiba sa istilo ng pamamahala nito kung ikukumpara sa mga naunang naluklok sa pamunuan ng rehiyon.

Maigsi ang panahon ni RG Hataman sa pagpapatakbo nito ng kanyang administrasyon, kaya hinati-hati nito ang pagsasagawa ng mga kaukulang trabaho sa ilang clusters gaya ng good governance, socio-economic at peace and security.

Ano kaya ang nasa isipan nito ng hatiin nito sa tatlo ang trabaho at maglunsad ng maraming summit, conference at dialogue?

Sa tingin ng inyong lingkod ay hangad nitong maipatupad ang isang epektibo at episyenteng konsultasyon sa lahat ng stakeholders ng ARMM.

Bilang ehemplo, nagkaroon ng dialogue sa pagitan ng mga empleyado at ng pamunuan ng ARMM sa pangunguna ni RG Hataman para talakayin ang isang simpleng pagkakaroon ng uniporme.

Ani RG Hataman, sa maliit na isyu ng uniporme ay dapat  maipakita na “autonomous” tayong nandito sa ARMM at kasama na ang pagkakaisa na magkaroon ng mga pagbabago sa ilalim ng bagong administrasyon.

Ito ay bilang tugon nya sa ilang mga dumalo na pilit humihirit na payagan silang magsuot ng iba-ibang uniporme alinsunod sa mga nakagawiang pagsunod sa mga national agencies.

Ang mga nakasanayang istilo lalo na ang mga tinaguriang Filipino traits, gaya ng pakikisama, utang na loob, hiya at iba pa ay pilit na binubura ng isang matapat na konsultasyon tulad ng isinasagawa ni RG Hataman sa ARMM.

-OOO-

Iba’t ibang reaksyon ang natanggap ng inyong lingkod hinggil sa Koko Scheme na tinalakay natin dahil sa posible umanong maging negatibong epekto nito sa Lanao del Sur sa usaping pang-ekonomiya.

May ilang nabahala sa ikinalat na text na naglalaman ng ating kolum hinggil sa nabanggit na scheme.

Gaya ng nabanggit, isang malaking katanungan kung papaano kikita ng 50% ang ilalagak na pera sa loob lamang ng dalawang buwan at kalahati sa isang lehitimo at ligal na negosyo dito sa Pilipinas.

Kaya gaya ng dati, dapat nating kalampagin ang kapulisan at ilang sangay ng gobyerno para magsagawa ng kaukulang imbestigasyon at makita ang totoong istorya hinggil sa Koko Scheme. PNP-CIDG at NBI ang dapat manguna sa nasabing pag-iimbestiga!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply