Kontraktuwalisasyon, low pay, demolisyon

KUNG napansin ninyo, mga Bro, tila kakaiba ang pagturing ng mga obrero sa kanilang kaarawan kahapon.

Akalain niyo, ang dating hindi magkakasundo na mga grupo ay iisa ang kanilang tinungo.

Ang Mendiola, ang main gate ng Malakanyang.

MAKINIG, MAKIRAMDAM

Dapat na marunong na makiramdam ang mga nasa Palasyo.

Kung ano ang ibig sabihin ng kilos ng mga obrero ay dapat nilang pag-isipan.

Hindi kikilos at tutungo ang mga ‘yan sa iisang lugar kung wala silang iniisip na mga seryosong bagay.

SAAN TAYO NAGKAMALI?

Halimbawang palatandaan ng hindi maganda ang tila pagkakaisa ng mga obrero sa Labor Day ngayong 2012, ang isang mahalagang tanong ng mga taga-Malakanyang sa kanilang mga sarili, eh: saan ba tayo nagkamali?

Kung higit na maganda kaysa pangit naman ang dahilan, aba, dapat isipin kung paano pa pagagandahin ang serbisyo publiko.

Pero malamang na higit na mas marami ang pangit kaysa maganda na nangyayari sa kanilang hanay.

May kahilingan o reklamo sila sa pamahalaan na hindi natutugunan.

Kaya naman, naisipan nilang lahat ang magtungo sa Malakanyang sa halip na sa Lawton o Luneta kaya.

KOMPRONTASYON

‘Yung iba, gusto nilang daanin sa maayos na pag-uusap o paupo ang mga problema.

‘Yung iba naman ay gusto nilang daanin nang patayo ang lahat.

Pero naririyan pa rin ang katotohanang nagtungo silang lahat sa Mendiola upang makipag-usap sa Malakanyang.

Tanong: sapat na bang may lumabas ng Malakanyang upang sumalubong sa mga nagpoprotesta?

Baka naman hindi ito ang inaasahan ng mga obrero na tugon ng pamahalaan?

MABABANG SAHOD

Kabilang sa mga iniiyak ng mga obrero ang mababang sahod umano sa kanila.

Ang pagsasabi ng gobyerno na mas mataas ang minimum na sahod sa Pinas kumpara sa kalapit nating mga bansa ay hindi tamang tugon sa kakapiranggot na pasahod.

Ang utos ba ni Pangulong Noynoy na pabilisin ng mga regional wage board ang kanilang pagbibigay ng umento ay siyang tunay na sagot sa problema sa pasahod?

Kayo riyan sa Malakanyang ang makasasagot niyan.

Marahil, masasagot nang tama ang tanong kung idaraan sa minimum wage ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno sa Malakanyang, Kongreso at Hudikatura.

Experience is the best teacher, ‘ika nga.

Kung nagkagutom-gutom ang mga onorabol diyan sa buong gobyerno, saka lang nila mararamdaman kung ano ang ibig sabihin ng mababang pasahod.

Ano ngayon ang dapat na sagot sa problema sa pasahod?

KONTRAKTUWAL

Klaro namang isang sumpa mula sa mga mangkukulam ang kontraktuwalisasyon na pinaiiral sa buong bansa.

Sa limang buwan na pagtatrabaho,  maghanda-handa na ang trabahador sa sibakan.

Maghanda-handa na rin ito sa darating na mga kalamidad kahit walang bagyo, lindol at sunog.

Sapagkat sa susunod na mga buwan o taon, wala siyang mahahanap na kapalit na trabaho.

Mapabibilang siya sa tinatayang limang milyong istambay na wala talagang mapasukang trabaho, matino man o hindi.

At higit pa, maghanda-handa na siya sa gutom, sakit, paghinto ng mga anak sa pag-aaral, pagpapalayas sa kanya sa inuupahang tahanan, pagpuputol ng Meralco sa kanyang kuryente at pagpuputol din ng Maynilad o Manila Water at iba pa ang kanyang water supply.

Impiyernong buhay ‘yan, mga Bro.

DEMOLISYON

Dahil nga sa mababang sahod at kontraktuwalisasyon, napipilitang tumira ang maraming obrero sa maraming alanganing lugar.

Ang mga ginigiba ng mga demolition team.

Sa kalsada, sa lupang hindi sa kanila, sa mga tabing ilog, sa mga tabing riles at kung saan-saan kaya naman sila dinedemolis.

Ang mga obrerong pumapalya sa hinuhulugan nilang mga bahay ay pinalalayas din sa bisa ng pagkakaremata sa kanilang mga tahanan.

Demolisyon na rin yan.

IMPIYERNONG BUHAY

Hindi makatao, impiyernong buhay ang dinaranas ng milyon-milyong obrero sa bansa dahil sa mababang sahod, kontraktuwalisasyon at demolisyon.

Gutom na nga ang kanilang dinaranas dahil sa konting kita at patay-sinding hanapbuhay, pinalalayas pa sila sa kanilang mga tahanan.

KAYA TUMUNGO SA MALAKANYANG

Hindi kaya ang mga nakalulungkot na katotohanang ito ang pangunahing dahilan kung bakit naisip ng obrero ang magmartsa patungo sa Malakanyang kahapon at hindi sa Lawton at Luneta?

Nauulit ang tanong, pero para sa atin mahalaga ito.

Ngayon, mga Bro, sapat ba ang itinugon ng gobyerno sa Labor Day sa mga napakabibigat na problema ng mga obrero?

Alalahanin natin, hindi pa natin nabanggit dito ang sobrang mahal nang langis, bilihin, kuryente, tubig, gamot, kotong, krimen at

marami pang sumpa sa mga obrero.

At tiyak namang bibit-bitin ng mga obrero ang mga problemang ito sa pagtungo nila sa Mendiola..

Esep-esep, mga KKKK, sa lahat ng ito para sa susunod ay magkakaroon na ng magandang balita ang mga obrero at hindi mambubulabog sa Malakanyang.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply