Korapsyon, kahirapan at si ex-CJ Corona

MEDYO isara-sara na natin ang kasong impeachment ni Chief Justice Renato Corona.

Dahil immediately executory ang desisyon ng impeachment court, baka magsimula ngayon ay tatawagin na nating ex-Chief Justice si Corona.

Kung kailan naganap ang desisyon, doon na rin dapat na masibak si Corona bilang Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Sa kanyang pagkakasibak, hindi lang siya matatanggal sa puwesto.

Matatanggal din ang inaasahan niyang pensyon at iba pang mga benepisyo na dapat sana niyang matanggap makaraan ang kanyang panunungkulan.

MURA SA MGA PRO-CORONA

May mga nagmura, may sumumpa sa mga senador-huwes na pumabor sa acquittal ni Corona.

Ang masasabi lang natin ay gawin nating propesyonal ang pagtanggap ng desisyon ng impeachment court.

Walang personalan.

Ang importante, natalo silang tatlo at higit na mayorya ang nanaig para sa katotohanan at katarungan.

NO. 4 KORAP SA ASYA

Dapat na nating harapin ang mga rekord ng bansa sa mata ng ibang mga bansa.

Hindi na lang tayo “maysakit na bansa” o “the sick man of Asia.” Itinuturing pa tayong isa sa mga pinakakorap na bansa sa Asya.

Number 4 tayo, mga bro, sa mga pinakakorap na bansa na pinangungunahan ng bansang Indonesia.

Ang Transparency International ang nagsabi nito.

Ano-ano ang mga dapat nating gawin upang mapawi naman ang masamang tingin na ito sa atin ng iba?

Ang pagkakatanggal ba ni Corona sa puwesto ay makatutulong sa pagbabago ng ating imahe sa mga dayuhan?

Palagay natin ay hindi.

Sapagkat itinuturing ni Corona ang kanyang sarili na hindi magnanakaw sa kaban ng bayan.

Natagpuan lang naman siyang isang sinungaling sa hindi paglalabas ng buo niyang yaman at ari-arian sa publiko sa pamamagitan ng kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

NAKA-UGAT NANG NAPAKALALIM

Kung bakit hindi sagot si Corona sa korapsyon ay dahil sa nakaugat na nang malalim na malalim ang korapsyon sa buong bansa.

Sino-sino halimbawa sa mga kapitan at kagawad nila, sa mga mayor, vice mayor at konsehal nila at sa mga gobernador, bise gobernador at mga bokal nila ang hindi korap? Sino-sino sa mga kongresman, senador, mga KKK ni PNoy ang hindi korap?

Lahat ng ito ay may mga pork barrel na sa mata ng mamamayan ay pinagmumulan ng kalokohan o kabulukan.

Sa oras na pumikit ang mamamayan, agad na nababawasan ang mga pondo para sa mga pork barrel at dumidiretso ang mga ito sa bulsa ng mga opisyal ng gobyerno na ito.

Ang hindi korap ay bibihira lamang at mahirap hagilapin ang tunay at totoong hindi korap.

Ang korapsyon kasi, mga Bro, ay hindi lang naman pagnanakaw sa kaban ng bayan.

Kabilang din dito ang paggamit ng kapangyarihan upang pagnakawan o dugasan ang mga pribadong tao.

KONTRAKTUWAL AT EDUKASYON

Lumalabas na pagbukas ng Department of Education ng opisina nito para sa taong 2012-2013, inulan ito ng reklamo lalo na ang mula sa mga magulang.

‘Yang K+12 ang isa sa mga idinaraing ng maraming mamamayan.

Kung kailan umano pahirap nang pahirap ang buhay, siya namang paglulunsad ng K+12 na nagpapahaba sa panahon ng edukasyon.

Hindi nagugustuhan ng nakararaming mamamayan ang pagkakaroon ng pitong taon para sa elementarya at limang taon para sa haiskul.

Lalo na sa bahagi ng nasa 41 milyong obrero na sinasalakay ng kontraktuwalisasyon, paano nga namang matitiyak ang pagkakaroon ng kumpletong edukasyon sa kanilang mga anak?

Mismong ang mga obrerong kabataan na kasama sa K+12 ay tiyak na hindi makapagpapatuloy sa pag-aaral dahil sa pahinto-hintong trabaho.

Ano-ano na ngayon ang gagawin sa problema sa edukasyon at kontraktuwalisasyon?

Saan mo mang sulok silipin, mga Bro, halos walang koneksyon ang pagkakasibak kay Corona sa puwesto.

Nasibak man o hindi si Corona sa puwesto, nandiyan na ang matinding problema sa pinahabang panahon ng edukasyon at kawalan ng katiyakan sa trabaho at buhay dahil sa kontraktuwalisasyon.

14M TAMBAY AT GUTOM

Isa sa napakalaking problema na ating kinahaharap ang sinasabing 14M walang trabaho sa mahal kong Pinas at ang epekto nitong gutom.

Mabuti pa ang mga kontraktuwal at sa loob ng limang buwan, tiyak silang may pambili ng pagkain sa pagbebenta nila ng kanilang mga lakas-paggawa.

Saka na lang sila makararanas ng gutom kapag idineklara na silang ENDOC o end of contract.

Maaaring limang buwan o kaya’y isa o dalawa o tatlo o limang taon bago ulit sila makahanap ng trabaho.

Pero ang mga tambay? Tuloy-tuloy na gutom, mga Bro, ang kanilang sinasapit.

Ang tambay ay walang napapasukang trabaho kahit pati ang kanilang mga talampakan ay nadaramay at napupudpod na sa kahahanap ng trabaho.

Paano ang mga asawa at anak ng mga ito? Paano kung sila’y nagkakasakit o gustong mag-aral ang kanilang mga anak?

Sa totoo lang, mga Bro, ang mga tambay ang umaasa sa saklang patay para may maipampalibing ang kanilang mga patay.

Anak ng tokwa.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph, itawag o i-text sa 09214303333.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply