Koronang tinik para sa punong hukom

NAIINIP na ang mga senador-huwes sa kaaantay sa mga huling araw ng paghuhukom kay Chief Justice Renato Corona.

Malinaw na sinabi ni Manong Johnny na dapat magpakita si Corona sa Biyernes upang sumalang sa direct at cross examination.

Kung hindi magpapakita  si Corona, bibigyan ang panig ni Corona at ang mga tagausig-kongresman ng pagkakataon para sa mga oral argument.

Ito na ang huling pagsasalita ng magkabilang panig at susunod na rito ang paghuhukom.

Nakatulong na rin sa pagpapadali ng trial ang posisyon ng mga tagausig-kongresman na hindi na nila isasalang si Corona sa cross examination.

KORONANG TINIK KAY CORONA

May malaking epekto umano ang pambabastos ni Corona sa Impeachment Court nitong nakaraang Martes.

Matapos kasi siyang bigyan ng buong respeto, bigla na lang itong lumayas nang walang malinaw na dahilan.

Nagulat na lang at napanganga ang lahat.

Reklamo nga ni Manong Johnny, hinihiling ng Hukumang ito ang katumbas na respeto mula kay Corona at mula sa Korte Suprema mismo.

Nadamay ang Korte Suprema dahil may mga desisyon ito na nirespeto ng Impeachment Court gaya ng hindi pagpapadala ng mga taong Supreme Court sa Impeachment Court para magtestigo.

Sabi ng iba, dahil dito, maaaring koronang tinik ang ipapatong sa ulo ni Corona.

SEE YOU NEXT YEAR

Yung “see you next year” na sinabi ni Corona bago siya sumalang ay maaari nang hindi matuloy.

Maaaring may ibang kahulugan ito at isa na rito ang pagkawala na niya sa Supreme Court mula ngayon hanggang next year at next,next years.

Ang sakit niyan a.

Sinabi ni Corona ang “see you next year” kaugnay ng pag-asa niyang maa-acquit siya sa kasong impeachment.

At maaaring sa susunod na lang ulit siya i-impeach ng mga may gustong masibak siya sa puwesto.

Pero sa inasal niya nitong Martes na tila isa umano siyang Herodes o Pilato na naghahari-harian, goodbye na sa kanyang “see you next year.”

Ngayong taong pa lang ay masisibak na.

IBA PA RIN ANG PASYA

Sabi naman ng iba, hindi ‘yung naganap noong Martes ang magpapasya sa kaso kundi sa mga nakahaing ebidensiya ng magkabilang panid.

Batas at ebidensya ang mananaig, sabi nila.

Hindi umano basta magpapasya ang mga senador sa katulad ng “pambabastos” sa impeachment court.

Dahil hindi naman umano “impeachable offense” ito.

Naroon sa mga bintang na may ebidensya at naroon sa mga depensa na may ebidensya ang mapagpasya sa usapin.

Lalapatan ng batas at Konstitusyon ang mga ito at ‘yun na, lalabas na ang tamang pagpapasya.

WALANG PERSONALAN

Naniniwala tayong totoong walang personalan sa paggawa ng desisyon sa usaping ito.

At kung walang personalan, sekundaryo lang ang “pambabastos.”

Lalo’t lumalabas namang tila nawalan ng wisyo si Chief Justice dahil sa sandamukal niyang sakit.

Pinaniniwalaan pa ngang inatake si Chief Justice ng kanyang sakit nang hindi niya namamalayan.

Para sa akin na nakararanas ng nakamamatay na sakit at nakasasaksi ng mga namamatay sa sakit, puwede at lehitimong dahilan ng kawalan ng tamang kontrol sa sarili at sa kahit anong patakaran o batas ang pagkakaroon ng sakit.

Ang dami talagang nagaganap na hindi basta madaling maintindihan kung may sakit o dinaramdam ang isang tao.

DRAMA LANG, ‘SCRIPTED’

Ready made ang lahat ng naganap noong Martes, pagpipilit ng mga Anti-Corona.

Drama lang, scripted at parang pelikulang may direktor na sumusunod sa isinulat na drama.

Pero dapat lagyan ito ng caution.

Paano kung totoong inaatake na si Corona ng kanyang mga sakit habang nagsasalita siya nang walang tigil sa loob ng mahigit sa tatlong oras?

HINDI PRO o ANTI -CORONA

Hindi tayo pro-Corona at anti-Corona.

Sa halip, nasa linya tayo ng batas.

Kaya nga, kung kokoronahan ng tinik at isasabit sa kanyang krus si Corona, okey tayo.

Dapat lang na maparusahan siya sa kanyang pagkakasala.

At ang koronang tinik at pagsasabit sa sarili niyang krus ay walang iba kundi ang pagkakasibak niya sa puwesto.

Susunod dito ang pagsasampa na rin siguro ng mga kasong kriminal at iba pa sa Ombudsman.

Kung sa dulo ng lahat ay mapatutunayang nakagawa  siya ng sari-saring paglabag sa batas, kaisa tayo sa mga magpaparusa sa kanya.

Walang lugar sa public service ang mga napatutunayang guilty sa hanay ng mga public servant.

Dapat lang silang masibak sa puwesto, makulong, mabawian ng nakaw na yaman at maharang para hindi na muling makabalik sa pamahalaan.

PATAS NA DESISYON

Patas at makatarungang desisyon ang aantayin natin mula sa mga senador-huwes na bumubuo ng impeachment court.

‘Yun bang === patas at makatarungan na maiintindihan at matatanggap ng mamamayan.

Kung hindi, ewan ko lang kung ano ang mangyari sa mga darating na araw.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply