Van ng killers ni Mendiola natagpuan na

MASUSING iniimbestigahan na ng Southern Police District (SPD) ang posibilidad na sasakyan ng mga “killer” ng pinatay na state witness laban sa Dominguez carnapping

syndicate ang natagpuan kanina sa Baclaran, Parañaque City.

Ayon kay Chief Supt. Benito Estipona, director ng SPD, inabandona ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang Toyota Grandia (TBO-299) sa Roxas Blvd. tapat ng RAF Mansion, Brgy. Baclaran, Pasay.

Natagpuan sa loob ng sasakyan ang isang basyo ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril at ilang packaging tape.

Napag-alaman pa na nakarehistro sa isang Rommel dela Cruz, ng Seaman St., Sitio Silangan, Look 2nd Malolos, Bulacan ang nasabing sasakyan.

Matatandaan na natagpuang patay si Alfred Mendiola, testigo laban sa Dominguez carnapping syndicate, nitong Linggo, Mayo 6, sa Sta. Lucia, Brgy. Salawag, Dasmariñas City, Cavite dakong ala-6 ng umaga.

Si Mendiola ay government witness sa kasong murder laban sa magkapatid na Raymond at Roger Dominguez, sinasabing nakasaksi sa pagpatay ng magkapatid na Dominguez sa car dealer na si Venson Evangelista.

Tinawagan na ni Estipona ang forensic investigators at Highway patrol group upang magsagawa ng imbestigasyon sa natagpuang sasakyan na pinaniniwalaang ginamit sa pagpatay kay Mendiola.

Nabatid na dalawang beses nang tumakas si Mendiola sa nangangalaga sa kanya bilang state witness.

Sinasabing huling tumakas si Mendiola nitong nakalipas na linggo at sumama sa outing ng pamilya ng kanyang nobyo.

Bumiyahe pa umano si Mendiola sa Malolos, Plaridel sa Bulacan at Orani sa Bataan nang hindi kasama ang kanyang mga gwardiya mula sa Witness Protection Program (WPP).

Sinasabing umupa pa ng sasakyan ang grupo para sa kanilang outing subalit nitong Biyernes, hindi na ma-contact ng WPP si Mendiola.

Nagsimulang proteksiyunan ng WPP si Mendiola noong nakalipas na taon matapos tumayong star witness sa serye ng pagnanakaw ng sasakyan nina Roger at Raymond.

Ayon kay Arsenio Evangelista, ama ni Mendiola, tinakasan ng kanyang anak ang mga gwardiya ng WPP noong nakalipas na taon habang nasa isang restoran.  Pumasok sa rest room ang kanyang anak at tumakas.  Makalipas ang ilang araw ay muling bumalik sa WPP.

Dagdag pa ni Evangelista, na ang ikalawang pagtakas ng kanyang anak sa WPP ay kasama ang dalawang lalaki hanggang matagpuan na siyang patay sa Dasmariñas.

Ayon sa impormasyon, ang dalawang lalaki ay nagngangalang Dave, ang nobyo ni Mendiola, at ang tiyuhin nitong si Mark Angelo Herrera.

Nakabalot ng masking tape ang ulo ng biktima, nakatali ng cable wire at puro tama ng bala sa ulo nang matagpuan ng awtoridad.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply