Kulang na kulang

NOONG Lunes inilathala ng PAKUROT ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangang isailalim sa lifestyle check ang ilang pulis na nakatalaga sa Manila Police District-District Special Project Unit na biglang nagkamal ng salapi at yaman.

Nagkamal ng yaman sina PO3 Jerry Villaluz, SPO1 Luisito Maninang, PO2 Eric de Guzman at PO1 Raul Dagang dahil sa pagiging kolektor nila sa mga iligal tulad ng sugal, prostitusyon at kotong sa mga money changer sa Maynila.

Tinawagan ng pansin ng Pakurot ang National Police Commission at Philippine National Police para imbestigahan ang mga nasabing pulis Maynila. Dahil wala pang aksyon ang dalawang tanggapan, tinawanan lang ng mga nasabing pulis ang mga detalyeng nakalagay sa pahayagan.

Sabi ng source ng Pakurot, tinawanan lang ni Villaluz ang banat sa kanya dahil ang kanyang club na I Miss You sa Paco na P180,000 ang kanyang upa at itim na Pajerong Field master na nagkakahalaga umano ng P1.8M ang nabanggit sa kolum. Sa madaling salita, kulang sa banat ang mga nasabing pulis.

Hindi nga naman nailagay ang kanyang Honda CRV, Honda Civic at mga ipinagagawang bahay sa Malate at Solis, Tondo. Ayon sa impormante, dalawa ang asawa ni Villaluz kaya’t dalawa ang kanyang bahay. Ang kasama naman ni Villaluz na si Maninang ay isang bagong Isuzu Crosswind ang ipinagyayabang na sasakyan. Ito ang mga bagay na dapat imbestigahan ng Napolcom at PNP upang malaman kung saan kinukuha ni Villaluz at maging ng kanyang mga kasama ang kanilang pera.

Sabagay, posible nilang ipagyabang na ni-loan lang nila sa mga lending institution ng PNP ang kanilang mga ipinagyayabang na sasakyan. Ipinagyayabang din ng grupo ni Villaluz na mga bata sila ni Gen. Gutierrez at hindi sila nito kayang sibakin.

Marami ang naniniwala na hindi alam ni Gen. Gutierrez ang ginagawa ng grupong ito.

Kailangan ni Dee-Dee na magsuot ng helmet dahil puro bukol ang inaabot niya kina Villaluz.

May apat na taon na rin namang kolektor ang grupo ni Villaluz. Lagi nilang kinakaladkad ang pangalan ng district director ng MPD na si Chief Supt. Alex Gutierrez.  Sa mga bagong club o kaya naman ay mga bagong money changer na may kotong ang palitan, lagi nilang hinihingian ng goodwill money bukod pa sa proteksyon ang may-ari nito. Malaking halaga ang kanilang tinatara at sinasabing para sa mga opisyal gayung wala namang nakararating sa kanilang mga hepe at sa halip, sa sariling bulsa nila pumapasok ang bultuhang pera.

Para sa kaalaman ng mga taga-Napolcom at PNP, galing sa Criminal Investigation and Detection Unit si Villaluz at nang mapunta siya sa MPD ay Toyota Corolla lang ang kanyang sasakyan. Paanong sa loob ng apat na taon ay biglang yumaman si Villaluz?

Huwag sabihin na tumama siya sa lotto. Magagalit ang langit at tatamaan ng kidlat ang sinungaling.

Nais ba ninyong ibahagi ang inyong karanasan sa opisyal at tauhan ng pulisya o pamahalaan at pribadong indibidwal? Mag-text sa 09215175814 o mag-email sa Santi_lean11@yahoo.com.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply