Laban ng PhilPost at Postal bank laban sa kahirapan

MUKHANG desidido ang Philpost at ang financial arm nito na Philippine Postal Savings Bank Inc. na kalampagin at buhayin ang tila nanghihinang industriya ng pagbabangko sa mga lalawigan lalo na iyong nasa mga malalayo at halos di marating na mga lugar.

Ito ay matapos na magsanib puwersa sila sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of agreement na naglalayong pasiglahin ang economic activities at pamumuhunan sa mga probinsya. Partikular na layunin ng MOA ang bigyan ng oportunidad ang mga ordinaryong mamamayan gaya ng mga magsasaka at mga mangingisda at maging mga maliliit na negosyante para hikayatin silang mamuhunan at mag-impok. Gagawin nilang resonable ang mga interest rate para maakit ang mga taga-probinsya na huwag nang magtungo sa mga lungsod para maghanap buhay.

Si Postmaster General Josie M. dela Cuz ang kumatawan sa Philpost  samantalang si President at CEO Cesar N. Sarino naman ang siyang pumirma para sa Postal Bank.

“Naisip naming ito ang pinakamabuting paraan para mabawasan ang kahirapan sa urban areas dahil hindi na iisipin ng mga nasa lalawigan na lumuwas pa para hanapin ang kanilang kapalaran sa malalaking lungsod gaya ng Metro Manila,” wika ni Sarino.

Sinabi naman ni de la Cruz na ito ang pinakatamang panahon para bumalik sila sa kanilang tunay na mandato na kung saan ay itinatag nila ang Postal Bank upang makamit ang kaunlaran sa mga lalawigan.

“The original purpose why Postal Bank was created by Philpost was to mobilize rural savings while also utilizing the nationwide network of postal offices,” sinabi ni Dela Cruz.

Gagamitin ng Postal Bank bilang mga tanggapan ang mahigit isang libong tanggapan ng Philpost sa buong bansa para mapalawak ang  mga lugar na kanilang paglilingkuran habang unti-unti ring nadaragdagan ang mga serbisyo na kanilang ibinibigay.

Kasama rin sa layunin ng MOA ang pagbabagong anyo ng trabaho ng Philpost at hindi na lang ito magiging tagahatid ng sulat kundi papasukin na rin nila ang remittance, parcels at iba pang negosyo.

Kasunod nito ay ang inaasahang paglago ng remittance business ng dalawang kompanya na kung saan ay bibigyang serbisyo na rin nila ang remittance concerns ng milyon-milyon nating mga kababayang OFW.

Sinusuportahan ko ang plano nilang ito dahil alam ko na isa itong paraan para tuluyan nang malabanan ng bansa ang kahirapan.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply