Labanan sa QC

BAGAMAT ang halalan sa 2013 ay humigit-kumulang na isang taon pa mula ngayon, mainit na ang usaping pulitika dahil na rin marahil sa “filing of candidacy” ngayong Oktubre 2012.

At ang usaping pulitika ay mas lalong mainit sa local level.

Sino ang magkatunggali sa pagka-gobernador, mayor, congressman at konsehal?

Lalo na sa Metro Manila. Ang pagpasok ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada sa Maynila ang isang Big News.

Biruin mo nga naman na isang dating presidente ay lalaban ng mayor at ang makakalaban pa niya ay isang dating malapit na kaibigan na si Fred Lim.

“Asiong Salonga versus Dirty Harry” nga raw ang labanan.

Sa ibang lungsod at maging sa mga lalawigan ay usap-usapan na rin ang local elections.

Lalo pa nga na ang napababalitang mga tatakbo ay sikat na tao o kaya naman ay masasabing national figure na!

Minsan sa isang lamay sa Krus na Ligas ay natanong ako ng mga tao kung totoo nga na tatakbo si Bossing Vic Sotto sa pagka-Mayor ng Quezon City.

Matagal na nga na lumulutang ‘yang balitang yan.

Sa kasalukuyan sa Quezon City politics ay hindi bago ang mga Sotto. Si Sen. Tito Sotto ang naging Vice-Mayor na partner ni dating mayor Jun Simon.

Kasabay ko sa council ang anak niya na si Coun. Lala Sotto.

At ngayon naman ay nakaupo bilang konsehal ang kapatid ni Lala na si Coun. Gian Sotto.

May tanong din kung si dating Vice President Noli de Castro o si Cong. Bong Crisologo ay tatakbo.

At ang pinakamatinding tanong ay kung mismo si Speaker Sonny Belmonte ay babalik bilang mayor ng Quezon City.

Ang sagot ko ay hindi ko alam. Lahat tayo ay naghihintay sa susunod na kabanata.

“Atty. Napanood ko si Mayor Herbert na ininterbyu sa TV at nang tanungin siya kung ano ang masasabi niya sa balitang tatakbo si Bossing Vic Sotto bilang mayor, at ang sinagot niya ay – “Bossing, huwag naman, tama na ang isang Sotto sa Quezon City.”

May isang nagsabi na “Ha, takot pala si Bistek kay Bossing Vic!” at tumawa.

Dito ay binigyan ko ng paliwanag ang aking kaibigan. “Hindi ako naging bahagi ng administrasyon ni Bistek.

“Ngunit siyam na taon ko siyang kasama sa konseho bilang Vice Mayor ko at ako naman ang kanyang Majority Floor Leader. May mga ‘di kami pagkakaunawaan ngunit kailan man ay hindi ko nakita na natakot siya sa laban.”

“Pare, hindi takot ang ipinakita ni Mayor Bistek nang sinabi niya ‘yun. Isang pagpapakumbaba ang ginawa niya. Bakit nga ba tayo maglalaban kung maaari naman magtulungan. Hindi siya katulad ng iba na kapag may gustong lumaban ay kaagad hahamunin ang nagtatngka. Mas mabuti na maging kakampi siya kaysa maglaban.

At sigurado ako na handa si Mayor sa laban, mas mainam na magkatulungan.”

Nagpaaalam na ako sa pamilya ng namatayan at dito’y may pahabol na tanong ang isang nakikipaglamay, “Attorney, kanino po tayo sa 2013 sa Q.C.?

“Kung saan mapapabuti ang mga taga-QC, doon tayo.” GOD BLESS!

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply