Lagyan ng kuwenta ang pigura

ANG sabi ng British embassy sa Maynila, reremate raw ang Pinas sa ika-16 na puwesto sa listahan ng pinakamalalaking ekonomiya sa mundo pagsapit ng kalagitnaan ng siglong kasalukuyan. Ika-43 tayo ngayon.

Ang sabi ng British embassy, base sa ulat ng HSBC na may pamagat na, “The world in 2050,” lalago ang ekonomiya ng bansa ng average na 7 porsiyento taon-taon sa susunod na 40 taon.

Kalahati lamang nito ang iniunlad ng ekonomiya noong 2011. Ang sabi pa, mahahanay tayo sa eksklusibong grupong “star performers” sa mga umuunlad na bansa!

Marami talagang star performer na Pinoy, tulad nina Charice Pempengco, Bruno Mars (may dugong Pinoy siya, mga pards!) at ang kahanga-hangang finalist ng sikat na US talent show na American Idol na si Jessica Sanchez. Pero ang ekonomiya ng Pinas bilang star performer? Nakakagulat kasi hindi halata.

May basehan daw dahil matatag ang “economic fundamentals” ng bansa, tulad ng edukasyon, demokratikong sistema ng lipunan at mababang pasweldo sa mga manggagawa.

Sa mga ito umano nakaangkla ang hula na aangat ang kabuhayan natin sa susunod na mga dekada.

Sana ay magparamdan naman sa mayoryang mahihirap ang pag-unlad na ito, hindi ‘yung puro mayayaman lang ang nakakahalata.

‘Yan ang masaklap sa atin: naiipon sa mayayaman ang pakinabang ng tumataas na antas ng ekonomiya ng Pinas. Sa karamihan ay puro numero lamang ito na walang epekto sa pang-araw-araw na buhay  nila.

Sa bansang Bhutan (ito ang lokasyon ng isang teleseryeng ipinalalabas ngayon sa isang sikat na television station), hindi nila ginagamit ang GDP o gross domestic product upang sukatin ang yaman ng bansa. Ang sa kanila ay GDH o gross domestic happiness.

Maligaya ba at nakasasapat sa buhay ang mga mamamayan? ‘Yan ang tanong na dapat sinasagot ng lahat ng aktibidad na pang-ekonomiya ng isang bansa.

Kaya’t para may kwenta ang pang-ekonomiyang pigura, tiyaking ang mga mamamayan ay masasaya.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply