Laro sa dolyar ni Corona

PANGALAWANG araw na nang pagdinig sa kasong impeachment kaugnay ng perang dolyar sa bangko ni Chief Justice Renato Corona.

Lumalabas na may 82 accounts o hiwa-hiwalay na rekord dito sa iba’t ibang bangko ni Corona, batay sa inilabas ng Office of the Ombudsman na rekord umano mula sa Anti-Money Laundering Council.

Sinasabi ni Ombudsman Conchita Morales na maaaring umabot sa 12 milyong dolyar ang naipon ni Corona sa ilang panahon hanggang sa kasalukuyan.

HINDI TOTOO, KALOKOHAN

Sabi ni Corona, puno ng kasinungalingan o kalokohan ang pinagsasabi ni Morales.

Dahil dito, sinabi ni Corona na hindi siya magre-resign bilang Chief Justice.

Mahirap nga namang magbitiw sa tungkulin kung paniniwalaan mong hindi totoo at kalokohan lang ang akusasyon ng ibang tao sa iyo.

ANG TOTOO

Kung ano talaga ang totoo ay lalabas at lalabas sa usapan sa pagitan ng dalawang dating hukom na sina Ombudsman Morales at Serafin Cuevas.

May maiintindihan dito ang karaniwang mamamayan pero baka mahirapan ang marami dahil puro ligal at English ang ginagamit ng dalawang hukom.

Ang totoo ay makukuha rin sa magiging desisyon ng mga sentor-judge sa huli.

PARANG TOTOO LAHAT SA UNA

Nang ipiniprisinta ni Morales ang mga dollar account ni Corona noong una, parang totoo lahat ang lumalabas mula sa Ombudsman.

Parang nakataga sa bato o sa adobe.

Pero nang umentra si Cuevas, nagkaroon tuloy ng pagdududa sa katotohanan sa dollar account.

Lumalabas na hindi verified o kinalkal nang husto nang may batayan.

At nang umentra si Inday Miriam, lalong naglabo-labo ang lahat.

Pero malinaw na hanggang imbestigasyon lang para sa susunod na impeachment ang magagawa ng Ombudsman.

Ang matinding binitiwan ni Miriam ay walang kapangyarihan na madisiplina sa katulad ni Corona na impeachable officer.

At lumabag umano ang Ombudsman sa patakaran ng AMLC na dapat may court order muna bago mag-utos sa AMLC na magbigay ng rekord.

Pero pwede lang sa ka-song pambawi sa nasabing kayamanan ang maisusulong ng Ombudsman.

Pero paano kung ma-acquit si Corona?

Nakupo!

PAGKAKAROON NG DOLYAR

Habang nakikinig tayo, mga Bro, sa dollar account ni Corona, naalaala natin ang ilang kaibigan natin na may dollar account.

May kaibigan tayo na may kaunting ipon.

Nang bumaba ng bumaba ang halaga ng  piso, pina-convert ng ating kaibigan ang kanyang pera sa dolyar.

Paano naman kasi, mga Bro, okey sa kanya noong P56 pa ang palitan ng isang dolyar.

Nang pabagsak nang pabagsak ang piso, nabahala siya at pinagawa na niyang dolyar ang kanyang piso.

Nasisira na kasi ang kanyang badyet para sa kanyang mga hinuhulugang bahay, sasakyan, utang, pag-aaral ng mga bata, gamot at iba pa.

BAYAD SA UTANG

May kaibigan naman tayong nagkaroon ng pautang.

Nang magbayad ang nakahiram sa kanya, dolyar ang ibinayad nito.

Siyempre, idineposito nito sa bangko.

Mayroon din siyang mga transaksyon sa labas ng bansa na hindi piso kundi dolyar ang bayaran.

Doon nagsimula ang kanyang pagkakaroon ng dolyar.

At hindi na siya nahihirapang bumili ng dolyar sa black market o sa mga bangko kung nangangailangan siya ng dolyar gaya ng pagbi-biyahe sa labas ng bansa.

KAKAIBA ANG $ NI CORONA

Pero kakaiba talaga ang sinasabing dolyar ni Corona.

‘Yan ay kung aaminin niya na may dolyar siya sa bangko.

Ang problema, I do not confirm nor deny ang sagot ng mama.

Style ng mga Amerikano ang style ni Corona.

Noon, kapag may barko o eroplano ng mga Amerikano na dumadaong o lumalapag sa ating mga pier o airport at tinatanong kung may dala-dala silang nuclear na armas, neither confirm nor deny ang sagot nila.

Pero mas higit dito ang usapan.

Sinasabi mismo ni Corona na kalokohan lang ang dollar  sa bangko na sinasabi ni Madam Conchita na nanggagaling naman umano mula sa AMLC.

MAG-ANTAY NA LAMANG

Kung may tiwala tayo sa Senado bilang impeachment court, pinakamagandang antayin natin ang desisyon ng mga senador.

Kung mako-convict si Corona sa pagkakaroon ng mga tagong-yaman na piso at dolyar, tiyak namang matatanggal siya sa puwesto.

Susunod na riyan ang mga nararapat na kaso.

Pandarambong, graft and corruption, pagsisinungaling sa Statement of Assets and Liabilities and Net worth, tax evasion at iba pa?

Bahala na ang mga maghahabol na sangay ng pamahalaan.

Pero paano kung ma-acquit si Corona at mananatili siyang Chief Justice? Yayanigin ba siya ng mga protesta? O respetuhin na lang natin ang desisyon ng mga senator-judge?

Sana naman, huwag pagsimulan ito ng gulo at pagkahati-hati ng bansa.

Ang daming problema ng Pilipinas na dapat asikasuhin at nasusuya na nga ang mamamayan sa katututok natin sa impeachment habang pinababayaan ang mga problema ng mamamayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply