Libu-libong maralita sumugod sa Mendiola laban sa kawalang hustisya, dislokasyon

NAGLUNSAD ng protesta ang mga maralitang lunsod sa Mendiola sa Maynila para igiit  sa gobyernong Aquino ang katarungan para kay Arnel Leonor at iba pang martir ng maralitang lungsod, sa mga residente ng Isla Puting Bato at lahat ng biktima ng mararahas na demolisyong.

Ayon kay Carlito Badion, pambansang ikalawang pangulo ng KADAMAY, ang protest ay paggunita sa isang buwang pagkakapaslang kay Leonor, ngayong araw ng Miyerkules, sa madugong demolisyon sa Silverio Compound sa Paranaque City .

Tatlong malalaking asembliya ang nagtagpo sa paanan ng Mendiola mula sa Ayala Bridge, Recto at Bustillos na nagmula naman sa iba’t ibang komunidad ng maralita sa Paranaque, Montalban in Rizal, Caloocan, Quezon City, Tondo, San Juan at Maynila.

“Wala pa ring nakakamit na katarungan para kay Arnel Leonor at mga biktima ng mararahas na demolisyon sa ilalim ni Aquino habang nananatiling “default” na patakaran nito ang pagpapalayas sa mga maralita. Ilang komunidad ng mga maralita sa Metro Manila pa lamang ang kumakaharap sa banta ng demolisyon ngayong buwan,” ani Badion.

“Relokasyon rin ang ipinipilit sa mga residente ng Isla Puting Bato na walang pagpapahalaga sa malalang epekto ng dislokasyon at kawalan ng kabuhayan. Ang sunog na ang pinakaepektibo ngunit pinakabrutal na anyo ng demolisyon na lumalabas na kumbinyente para sa pamahalaan,” ayon kay Badion.

“Ang kawalan ng gobyerno ng pangmasang kumprehensibong programang pabahay na may pagsasaalang-alang pangunahin sa trabaho at kabuhayan ay malinaw sa kaso ng Isla Puting Bato,” ani Badion.

Ayon sa lider ng Kadamay, “kahit ang mga lokal na pamahalaan ang nagsasagawa, hindi maaaring maghugas-kamay si Presidente Benigno Aquino sa nagaganap na mararahas na demolisyon. Pangunahing may pananagutan ito.”

“Bilang sagot sa panawagan ng maralitang lungsod na itigil ang serye ng mga demolisyon, lalong itinutulak ng pamahalaan ang dikta ng ADB na programang public-private partnership (PPP) na sumasalanta sa mga maralitang komunidad sa buong bansa,” dagdag pa ni Badion.

“Kinakanlong ng gobyernong Aquino ang malalaking dayuhan at lokal na kapitalista sa ngalan umano ng ‘kaunlaran’ at pagpawi sa kahirapan habang sinisikil naman kaming maralita. Hindi kami kinakatawan ng gobyernong ito,” dagdag pa ni Badion.

“Ang tumataas na tantos ng kawalan ng trabaho, nakapakong sahod, demolisyon, dislokasyon at kawalan ng serbisyong panlipunan ang mga mayor na dahilan sa bumabagsak na popularidad ni Aquino. Ito ang parehong mga isyu na dapat ay matamang hinaharap ni Aquino kung minamahalaga nito ang kanyang pananatili sa pwesto,” sabi ni Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply