Lupang kinatitirikan ng mga maralita isailalim sa CMP

NANAWAGAN ang isang grupo ng mga maralita na ipamahagi na lamang sa mga maralita ng Quezon City  ang lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay na hindi nakatayo sa delikadong lugar o danger zones kaysa sa ilipat pa ng ibang lugar para maiwasan ang karahasan.

Ayon kay Ronnie Dellamas, pangulo at 1st nominee ng Urban Poor Development Services, Inc. partylist, mas mainam na isailalim sa community mortgage program (CMP) ang mga lupang kinatitirikan ng barong-barong ng mga informal settler lalo na iyong nagmamay-ari ng malalawak na lupain.

Aniya,  mas mabibigyan ng proteksyon ang urban poor sa ganoong sistema kaysa sa ilipat pa sila ng lugar kahit na hindi naman nakatayo ang kani-kanilang bahay sa mga tinaguriang “danger zones” o mga delikadong lugar.

“Dapat talaga ay magbalangkas ng batas para rito at i-award na lang sa kanila (informal settlers) ang lupa kung saan nakatirik ang kanilang mga bahay,” sabi ni Dellamas.

Ayon pa kay Dellamas, mas makatutulong pa nga ang ganitong sistema para masawata ang paglipana ng professional squatters sapagkat mas mahihirapan ang mga ito na ibenta ang maibibigay sa kanilang lupa.

“Sa usapin ng professional squatters, dapat ang landowner ay huwag nang ibenta sa pribado ang malalawak na lupain nila kundi roon na lang sa nakatirang maralitang tagalunsod,” giit ni Dellamas.

Nilinaw naman ni Dellamas na kung ang mga maralitang tagalunsod ay naninirahan sa mga delikadong lugar, maigi nga na ilipat sila ng matitirhan subalit dapat ay may kaukulang pamantayan sa paglilipat sa kanila.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply