Mabuti nga at may magbabago sa ARMM

UMAALMA ang dalawang kongresista ng Maguindanao sa plano ng Commission on Elections (COMELEC) na burahin ang buong listahan ng mga botante sa Maguindanao para linisin.

Ayon kina Cong. Simeon Datumanong at Bai Sandra Sema, bakit ang Maguindanao lang ang pinupuntirya ng Comelec na linisin at waring ipinalalabas na ito lang ang may monopolya ng dayaan sa eleksyon.

Ani pa nga ni Sema, madaling suportahan ang hakbang ng Comelec na burahin ang buong listahan ng mga botante para palitan ng biometrics, pero ito ay kung isasagawa aniya sa lahat ng lalawigan na sakop ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

-000-

Kung sa punto, may dahilan naman si Sema para almahan ang desisyon ng Comelec.

‘Yun nga lang para sa akin ay hindi malinaw.

Oo nga at nakasisira ng dignidad kung sa Maguindanao lang ito gagawin ng ahensiya dahil lalabas nga namang sa nasabing lalawigan lang talamak ang dayaan, gayong may iba pa namang lalawigan ang ARMM na dapat ding bigyan ng pansin pagdating sa naturang usapin.

Pero kung pakalilimiin, at kung babalikan ang mga nangyari sa nakaraang halalan, aminin man natin o hindi, talaga namang mas malala ang naiulat na dayaan sa Maguindanao.

Kaya nga ngayong nakakaaksyon ang Comelec sa nasabing lalawigan ay iisa lang ang kanilang nais – ang tuluyang matuldukan ang pagdududa ng mga botante sa tuwing gaganapin ang halalan.

At ito ay magagawa lamang kung tuluyang malinis ang Maguindanao sa tatak na madadaya.

-000-

Tumutok din ang Comelec sa Maguindao sa paglilinis ng registrants dahil na rin sa pagkakatuklas sa 100,000 multiple registrants ang walang kahirap-hirap na nakapagpatala sa ARMM.

Ibig lamang sabihin, may dapat ngang linisin ang Comelec sa nasabing lalawigan.

-000-

Sa totoo lang, maging si Gov. Mujiv Hataman ay walang angal sa gagawin ng Comelec.

Siya pa nga ang nagpahayag ng pagsuporta sa nasabing hakbang lalo na dahil iyon naman ay para sa kapakanan ng kaparatan ng mga botante.

Wala naman kasi tayong nakikitang mali kung linisin man ng Comelec ang listahan ng mga botante sa Maguindanao.

Sino ba naman ang may ayaw ng maayos na halalan? Siguro maiintindihan pa natin kung bakit umaalma  ang iba sa nasabing hakbang kung ang kanilang concern ay baka makaabala ito sa gaganaping eleksyon sa 2013. Dahil tiyak naman na kahit ako ay hindi rin ito magugustuhan.

Pero dahil ipinangako naman ng Comelec na matatapos nila ang paglilinis ng pangalan ng mga botante sa lalong madaling panahon at hindi makababalam sa halalan, bakit pa tayo mag-aalala?

Hindi nga ba at mas mainam kung mabura ang tatak sa ARMM na magulo at talamak ang dayaan? Hindi nga ba at mas magandang pakinggan na kung naantala man noon ang eleksyon sa ARMM, at least ngayon ay may dulot namang pagbabago na katanggap-tanggap ng kahit sinoman?

Ang punto natin  ay mas maganda na ang may pagbabago, lalo na kung ito naman ay para sa kapakanan ng nakararami.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply