Mag-asawang Claudine, Raymart Santiago kinasuhan na ni Mon Tulfo

KASONG physical injury ang isinampang kaso ng beteranong kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo sa Pasay City Prosecutors Office laban sa mag-asawang Raymart at Claudine Barretto-Santiago makaraan ang naganap na bugbugan sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 kahapon (mayo 6).

Bukod sa kasong physical injury, kinasuhan din ni Tulfo, 65, sa tanggapan ni Assistant City Prosecutor Johnny Ompong  ng coercion ang aktor na si Raymart Santiago, 38 bunga ng pagpipilit na makuha umano ang cellphone na may camera ng kolumnista makaraan niyang kuhanan ng larawan ang asawa nitong si Claudine habang pinagmumumura at pinagbabantaan ang isang babaeng ground attendant ng Cebu Pacific.

Kasama rin sa kinasuhan ni Tulfo ang kaibigan ni Santiago na si Eduardo Atilano, 29, financial consultant at nakatira sa Penelope Lane, Acropolis Village, Quezon City at ilan pang kalalakihan na hindi pa nakikilala.

Sa kanyang reklamo, sinabi ni Tulfo na kadarating lamang niya mula sa Davao City at palabas na sa Arrival Area ng NAIA Terminal 3 nang mamataan ang isang babae na nagrereklamo sa desk ng Cebu Pacific hinggil sa nawawala niyang bagahe na naiwan sa Airport sa Aklan.

Sinabi ni Tulfo na naawa siya sa babaeng nagrereklamo at nais sana niyang tulungan dahil sa dami na ng reklamo sa kapalpakan ng naturang airline subalit nang marinig niya na pinagmumumura at pinagbabantaan na ang babaeng attendant, kinuhanan niya ng larawan ang insidente bilang isang journalist.

Dito na umano siya sinita ni Raymart at pilit na inaagaw ang kanyang cellphone na naging dahilan ng pagkakaroon na ng kaguluhan hanggang sa pagtulung-tulungan na siyang bugbugin ng may pitong kabataang kalalakihan kasama na rito si Claudine.

“Wala nga sana akong balak na kasuhan silang mag-asawa pero pinagmumura ako ni Claudine at pati mga kapatid ko sinama na rin niya” pahayag pa ni Tulfo.

Sa panig naman ng mag-asawang Santiago na ibinigay sa tanggapan ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) sa Pasay City Police, sinabi ni Santiago na nakita niyang kinukuhanan ng video ng isang lalaki ang kanyang asawa habang kausap ang isang ground attendant.

Nang sitahin niya ang lalaki na kalaunan ay nakilala niya bilang si Ramon Tulfo, nagalit umano ito sa kanya at kaagad siyang sinuntok kaya’t gumanti siya hanggang awatin sila ng mga security personnel.

Nang lumapit umano ang kanyang asawa kay Tulfo at tinanong kung bakit nito sinuntok ang asawa, sinipa umano ng beteranong journalist si Claudine kaya’t muling sumiklab ang ikalawang bugso ng kaguluhan.

Umawat din umano ang kaibigan nilang si Atilano subalit sinuntok din siya ni Tulfo hanggang sa nauwi na ito sa bugbugan na naawat lamang ng mga namagitan na airport police.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply