Magbantay laban sa pagpatay sa mga saksi

SINALBEYDS si Alfred “Bading” Mendiola na pangunahing testigo laban sa Dominguez brothers na isinasangkot sa mga carjacking na may pagpatay.

Nagtestigo si Mendiola sa isang kasong kinahaharap ng nasabing magkapatid at ngayo’y patay na siya.

Ang kaso ay carjack-slay na ikinamatay ni Venson Evangelista.

Ano ang epekto ng pagkamatay ni Mendiola sa pag-usad ng kaso hanggang sa maging pinal na ang desisyon dito?

Tuluyan bang mako-convict o maa-acquit o mapawawalang-sala ang mga pinararatangang may sala sa kaso ni Evangelista?

KONEKSYON SA GOBYERNO

Saan mo man tingnan ang pangyayaring ito, may ibang malalaking katanungan bukod sa hindi tiyak na kahihinatnan ng kaso.

Isa na rito ang hangganan ng koneksyon o impluwensiya ng Dominguez brothers sa pamahalaan.

Paano nalaman ng mga pumatay kay Mendiola at mga kasama nito ang kinaroroonan ng huli?

Tanong ito na pupuwedeng ibato sa mga nagbabantay kay Mendiola na isang saksi sa ilalim ng Witness Protection Program ng Department of Justice.

Ipagpalagay nating totoo na matigas ang ulo ni Mendiola at hindi sumusunod sa mga panseguridad na patakaran ng WPP, hindi kaya nanggaling mismo sa WPP ang mata para masundan si Mendiola sa pinupuntahan nito?

Dito nabubuo ang katanungan ukol sa koneksyon ng Dominguez brothers sa mismong WPP at DOJ.

IMBESTIGAHAN NANG MALALIM

Hindi dapat na balewalain na lamang ng DOJ ang kaso ni Mendiola sa pagsasabing matigas ang ulo nito at sa katunayan gusto na nitong alisin sa proteksyon ng WPP ang saksi at biktima.

Alalahanin na may mga awtoridad na bantay si Mendiola kahit pa matigas ang ulo nito at mayroon ding komunikasyon ito sa WPP bago siya namatay.

Hindi kaya konektado ang kanyang pagkamatay sa sindikato na may kinalaman sa kasong kinasasangkutan nito at ang pagpapatahimik sa kanya ay isang mahalagang usapin sa kaso?

May galamay ba ang sindikato mismo sa WPP?

At hindi kaya galing mismo sa mga awtoridad ang kamay na pumatay kay Mendiola at mga kasama nito?

MAGUINDANAO MASSACRE

Naalaala tuloy natin ang kaso ng mga Ampatuan kaugnay ng pagpatay sa nasa 57 o 58 katao.

Hindi kaila sa lahat na matapos na mainguso ang mga Ampatuan sa Maguindanao massacre, may kasunod na pagpatay sa ilang saksi.

Dahil sa pagpatay sa mga saksi, nagkaroon ng takot kahit sa parte ng mga biktima.

Hanggang ngayon, walang makapagsasabi kung matitigil na ang pagpatay sa mga saksi, naulila at nabalo sa massacre dahil nabawasan na ang kapangyarihan ng mga suspek at nagkawatak-watak na umano ang libo kataong private army ng mga Ampatuan.

Sa pagkakapatay ng ilang mahahalagang saksi, nagkaroon tuloy ng paghina ng kaso na hindi basta mababawi mula sa mga susunod na saksi pabor sa mga biktima ng massacre.

Gaya ng naganap kay Mendiola, hindi ganap na nabantayan mismo ng pamahalaan ang buhay ng mga pinatay na saksi.

Katulad ng kaso ni Mendiola pa rin, hindi malinaw kung sino-sino ang mga pumatay sa mga saksi sa krimeng ito.

Isa ngayong katanungan: mahihirapan din ba ang pamahalaan sa pagtukoy sa mga pumatay kay Mendiola?

PAGPATAY KAY MARLENE ESPERAT

Nagkaroon din ng sunod-sunod na kamatayan sa mga saksi sa P720 na fertilizer scam ng Department of Agriculture noong panahon ni Aling Gloria.

Unang pinatay sa harapan ng kanyang mga anak si Marlene Esperat sa Mindanao makaraan nitong idemanda ang mga matataas na opisyal ng DA kaugnay ng scam.

Sumunod na pinatay ang  dalawa kataong iba pa at ang kanilang bangkay ay itinapon sa Bulacan.

Umabot ang pagpatay sa lalawigan ng Cagayan kaugnay ng scam at isang opisyal ng DA ang biktima rito.

KRIMEN AT KORAPSYON

Hindi mabilang ang mga kasong kriminal at korapsyon na kinamamatayan ng mga saksi.

Bagama’t masasabing pangunahing kriminal ang kasong kinasasangkutan ng Dominguez brothers na suspek sa pagpatay kay Mendiola, may korapsyon ding halo rito.

Korapsyon na may mabagsik na anyo kaya namatay si Mendiola.

Korapsyon na kawangis ng pagpatay sa mga saksi sa Ampatuan massacre at pagpatay rin sa mga saksi sa fertilizer scam.

May korapsyon sa kamatayan ni Mendiola dahil sangkot ang ilang matataas na opisyal ng pulisya sa kaso ng mga Dominguez.

Alisto nga lang ang mga pulis sa paglilihis ng kanilang mga sarili sa mga kaso ng magkapatid.

Pero hindi mabura-bura sa ating isipan ang naglabasang mga balita noong una na may mga police official na protector ng mga ito sa kanilang mga kasong carjacking na may kasamang pagpatay.

BANTAYAN ANG MGA SAKSI

Dahil sa mga pangyayaring pinapatay ang mga saksi sa krimen at korapsyon, dapat sigurong tingnan ng husto ng mga kinauukulan ang batas at programa para sa mga saksi.

Isa sa mga titingnan ang kahinaan ng pamahalaan na kupkupin nang husto ang mga saksi.

Dapat silipin din ang mga nagbabantay sa mga saksi at walisin sa mga ito ang mga traydor sa mga saksi at katarungan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay itawag o i-text sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply